top of page
Gerald Anderson, Kim Chiu, Julia Barretto at Bea Alonzo - IG.jpg

Krisis sa kuryente, kambal ng Super El Niño

Writer: BULGAR
BULGAR
19 hours ago
3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | October 6, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Kaliwa’t kanan ang babala sa nararanasang “Super El Niño.”

Ibig sabihin nito ay sobra ang epekto ng tag-init at tagtuyot.

Siyempre, kasabay nito ay sobrang tindi ng buhos ng ulan, kakambal ang pagbaha at landslide.

‘Yan mismo ‘yan.


-----$$$---

Walang makakagarantiya ng solusyon laban sa “Super El Niño.”

Isa ang malinaw, kakapusin sa suplay ng kuryente dahil sa sobrang laki ng demand.

Papakyawin ang mga aircon units at electric fans at paaandarin ito nang 24/7!

Paghandaan ang krisis sa kuryente!


----$$$--

Teka, alam ba n’yo na may ibang kahulugan ang “kuryente”?

Ang “kuryente” sa mainstream media ay kakambal ng pagtanggap ng “tsismis” bilang totoo at impormasyon na “palsipikado” at ikakalat sa lahat!

Kapag  “nakuryente” ang isang tao, ibig sabihin ay nakatanggap siya ng “hindi totoong impormasyon” o na-set up siya sa aktuwal na pekeng impormasyon.


----$$$--

SA ganyang sitwasyon, inilalarawan ngayon ang “expose” ni Sen. Ping Lacson kaugnay ng ulat ng ghost project sa Taguig.

Pero, ang “kuryente” kay Lacson ay pinulot ng ilang vlogger na mamamahayag.


----$$$--

SA diskarteng black propaganda, kapag inulit-ulit ang isang maling impormasyon, nagmumukha itong totoo at lehitimo.

Si Hitler ang nagpauso niyan at ineksperimento sa panahon ng Martial Law—kapwa ng pro-Marcos at anti-Marcos gamit ang traditional media.


----$$$--

SA totoo lang, biktima rin naman si Lacson, naumangan siya ng maling impormasyon.

Ang kantiyaw: “Nakuryente” si Lacson!”


----$$$---

MARAMI ang nalulungkot kasi buong sipag at tiyaga na itinindig ni Lacson ang kanyang reputasyon sa paninindigang hindi siya nagsasalita nang walang “resibo.” 

Ipinahamak ba si Lacson ng kanyang alalay at consultant?


---$$$--

MALINAW kasi ang sagot  ni DPWH Secretary Vince Dizon nang tanungin kung may natukoy ang DPWH na "ghost project" sa Taguig?

Ang sagot ay : “Wala.”


----$$$--

IDINAGDAG pa ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na nakatala sa ahensya ang 107 proyekto sa Taguig at lahat ng ito ay may nakadokumentong accomplishments.

Dumipensa si Lacson sa pagsasabing batay ito sa “report” at “AI analysis” ukol sa mga kahina-hinalang billing photos. 


-----$$$--

MALINAW ang impormasyong pinaghugutan ni Lacson ay nasa proseso pa lamang ng analisis at hindi batay sa resulta ng masusing  imbestigasyon, gamit ang “facts, dokumento o ocular inspection.”

Pero, gusto ilarawan sa “kuryente” na pugad ng “ghost project” ang Taguig.


-----$$$--

Kinuwestiyon din ni Lacson ang isang proyekto sa Taguig na may geotag/coordinate na nakaturo sa Leyte. 

At naghusga na agad na tipong may anomalya, kahit walang imbestigasyon at posibleng technical error sa data.


----$$$--

ISA rin ang tungkol sa isang inilalarawang reclamation, pero tinitirhan ng mga tao.

Hindi pa rin malinaw kung may dokumento ang naturang “reclaimed area” at kung ito ay pag-aari ng gobyerno ng Taguig o ng pribadong tao o korporasyon.

Pero naglagay agad ng “suspek o akusado” sa naturang hinala.


-----$$$--

HINDI natin alam kung saan patungo o kung ano ang agenda sa “kuryente” ni Lacson.

Pinalalala ito ng social media at ilang iresponsableng grupo  sa mainstream media.

Mahalaga ang “resibo” sa mga expose, pero sana ay hindi ito “gawang-Recto.”


Puro pulitika, walang nag-aasikaso sa gumagrabeng ekonomiya. 


--@@@--

BAGSAK ang halaga ng piso.

Taas ang presyo ng petrolyo.

Pero dedma pa rin ang mga kolokoy. 


---@@@--

IMBES na humupa, gumagrabe ang sitwasyon sa Middle East dahil sa bigong hijacking ng eroplano.

Napakahirap isipin ang mga posibleng mangyari. 


--@@@--

MAGING ang away ng China at Pilipinas ay lumalala.

Biglang pinauwi ang higit sa 1,000 Chinese tutor.

Hindi iyan biro. 


---@@@--

PINAKAHULI, idinawit na ni ex-Sen. Antonio Trillanes ang China sa impeachment case laban kay VP Sara.

Pinaiimbestigahan na ni Sec. Gibo. 


---@@@--

HINDI kasi natuloy ang pagbida niya sa Impeachment Court.

Nagpa-presscon at doon nagdakdak ng salungat sa official records. 


--@@@--

SA totoo lang, hindi siya pinagbawalan na tumestigo.

Hindi lang siya nakaiskedyul at wala pa siyang subpoena. 


--@@@--

TETESTIGO sa bank records pero hindi pa naipipresenta ang mga ito mula sa AMLAC.

Hindi puwedeng mauna ang testigo kaysa sa dokumento. 


--@@@--

NILINAW ni Presiding Officer Chiz Escudero na hindi pinipigil ang prosekusyon na iharap si Trillanes anumang araw.

Sinabi ni Sen. Ping Lacson na hindi personal ang desisyon ni Escudero, bagkus ay sinusunod lang ang proseso. 


---@@@--

PERO noong Oktubre 1, inanunsyo na ni Lead Prosecutor Gerville Luistro na final na at hindi ipi-present si Trillanes bilang testigo.

Nauna rito, sinabi mismo ni Trillanes na nagkusa siyang ipaalis ang kanyang pangalan sa listahan ng mga testigo upang makabawas sa pressure. 


--@@@--

IISA ang malinaw at nasa rekord naman ang nangyari.

Walang ban, walang disqualification. 

May proseso, may naging desisyon ang prosecution, at may sarili ring kahilingan si Trillanes. 


--@@@--

Mahalagang malaman ang totoong kuwento dahil ang kredibilidad ng buong impeachment process ang nakataya rito. 

Hindi ito dapat paglaruan o baluktutin. 




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page