Krisis sa ekonomiya, 'di tulad sa Covid na vaccine lang ang sagot
- BULGAR

- Apr 7
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | April 7, 2026

Tipong panic ang mga nasa pamahalaan.
Imbes na direktang harapin ang problema, “nganga” ang ginagawa.
Tuliro.
----$$$--
Itinatatwa kasi ang nakaambang krisis.
Kapag hindi tinatanggap na may nakaambang krisis, paano ito masosolusyunan?
----$$$--
Taliwas sa COVID-19 na simpleng vaccine ang solusyon, iba ang krisis sa ekonomiya.
Dapat nating maunawaan na “winasak” ang mga imprastraktura na pang-enerhiya o suplay ng petrolyo sa Middle East.
Kailangan ang 5-10 taon bago ito maibalik sa dating porma.
-----$$$---
HINDI na magbabalik ang dating normal—dahil wasak na at winasak pa ang pinagmumulan ng petrolyo sa ibang bansa.
Ang matinding epekto ng krisis sa petrolyo ay krisis mismo sa ekonomiya.
-----$$$--
SA ngayon ay may suplay pa dahil inimbak ‘yan ng mga “oil corporation,” hindi ng gobyerno.
Sa ilalim ng oil deregulation law, ang korporasyon ng petrolyo o pribadong sector ang may pananagutan sa panahon ng “krisis.”
Dapat ay ang mga pribadong korporasyon ng langis ang gagawa ng paraan upang magkasuplay.
----$$$--
SA ilalim ng dating Oil Price Stabilization Fund, ang gobyerno ang may pananagutan kapag may problema sa suplay.
Sa panahon ng krisis, ginagamit ang naturang pondo, at ito ay diskarte na ginawa ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr..
-----$$$--NGAYON ibinasura ang OPSF, kapalit ng oil deregulation law—ang nagpapasan dapat ng “mataas na presyo” ang mga oil corporation—gaya ng Shell ,Caltex at iba pa na pag-aari ng mga dayuhan.
Ang mga mambabatas na Pinoy ang katuwang ng mga oil corporation kung bakit ibinasura ang OPSF—at pinalaya ang mga oil distributor na magpatong ng presyo—kahit kasing-taas ng langit.
----$$$--
MATAGAL nang korup ang mga mambabatas na nadidiktahan ng mga dayuhan.
Iyan ay naganap nang mapatalsik si Marcos Sr.
Iyan din ang dahilan kung bakit nawala sa Malacañang ang matandang Marcos—dahil kontra siya sa interest ng mga dayuhan at pabor sa mga katutubong Pinoy.
----$$$--
HINDI nauunawaan ng Malacañang kung ano ang tunay na sitwasyon kaya’t hindi tatalab ang anumang desisyon at aksyon ng mga ito.
Dapat ay saklolohan ng pribadong sektor at ordinaryong mamamayan ang gobyerno—dahil hindi nila “alam ang kanilang ginagawa.”
----$$$--
ANG mga tao ay dapat magkusang magtipid, magsinop at magpakatalino, upang makaligtas sa isang krisis na kitang-kita na ng ating mga “mata” na paparating–at hindi maiiwasan!
Wala nang ibang paraan upang malampasan natin ang krisis—kundi ang magdasal!
-----$$$--
MAGDASAL upang makalmante ang ating puso, isip at kaluluwa.
Mula sa payapang kamalayan, sisibol ang mga tumpak na desisyon—na siyang reresolba sa mga problemang personal at panglipunan.
-----$$$--
HANGGANG ngayon, maruming partisan politics ang inaatupag ng mga kolokoy.
Kaawa-awa ang ordinaryong Pinoy.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Comments