Krimeng naganap sa gitna ng dagat
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 20, 2026

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa namatay kong asawa sa barko habang nasa kalagitnaan ng dagat. Ayon sa ulat ng kapitan, siya ay nasaksak ng kapwa niya marino. Gayunman, may nagsabi sa akin na hindi diumano ay maaaring isampa ang kaso sa Pilipinas sapagkat nangyari ito sa gitna ng dagat at diumano ay hindi rehistrado sa Pilipinas ang barko. Totoo ba ito? Maraming salamat sa paglilinaw, Chief Acosta. — Gina C.
Dear Gina C.,
Sa Artikulo 2 ng Act No. 3815, o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code,” malinaw na itinatakda ng batas ang saklaw ng hurisdiksyon ng Pilipinas sa mga krimeng naganap sa labas ng teritoryo nito. Nakasaad dito na ang ating mga batas penal ay maipatutupad lamang sa labas ng bansa sa mga partikular na sitwasyong binabanggit ng batas, isa na rito ay kung ang krimen ay naganap sakay ng rehistradong barko sa Pilipinas:
“Article 2. Application of its provisions. – Except as provided in the treaties and laws of preferential application, the provisions of this Code shall be enforced not only within the Philippine Archipelago, including its atmosphere, its interior waters and maritime zone, but also outside of its jurisdiction, against those who:
Should commit an offense while on a Philippine ship or airship;”
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong People v. Wong Cheng (G.R. No. L-18924, 19 Oktubre 1922, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Norberto Romualdez), na kapag ang krimen ay naganap sa gitna ng dagat o high seas at wala sa teritoryo ng alinmang bansa, ang may hurisdiksyon ay ang bansa kung saan nakarehistro ang barko. Ayon dito:
“No court of the Philippine Islands had jurisdiction over an offense or crime committed on the high seas or within the territorial waters of any other country… The principle which governs the whole matter is this: Disorder which disturb only the peace of the ship or those on board are to be dealt with exclusively by the sovereignty of the home of the ship,”
Mula rito, malinaw na kung ang barkong pinangyarihan ng krimen ay hindi rehistrado sa Pilipinas, at ang insidente ay naganap sa gitna ng dagat, wala tayong hurisdiksyon upang litisin ang kaso. Ang tamang bansa na may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon at duminig sa kaso ay ang bansang pinagmulan o pinagrehistrohan ng barko.
Samakatuwid, sapagkat batay sa iyong salaysay, ang barko ay hindi rehistrado sa ating bansa, hindi puwedeng isampa sa Pilipinas ang kasong may kaugnayan sa pagpaslang sa iyong asawa ayon sa nabanggit na batas at desisyon ng Korte Suprema.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.







Comments