top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Krimen sa pagkamatay ng kinakasama

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 4, 2021



Dear Chief Acosta,


Masama ang loob ng mga kamag-anak ko dahil napatay ang pinsan ko ng kanyang kinakasamang babae. Ang malala ay homicide lang ang ikinaso sa kanya ng mga pulis matapos ang pangyayari. Tama ba ang ganu’ng ikinaso sa taong pumatay sa kanyang kinakasama? Hindi ba dapat parricide dahil nagsasama sila bilang mag-asawa kahit hindi sila kasal? Ang paniniwala namin ay dapat parricide talaga ang ikaso ngunit sa halip ay homicide lang diumano ang ikinaso sa kinakasama ng pinsan ko. Bakit ganu’n? Sana ay maliwanagan ninyo ako. – Leticia


Dear Leticia,


Upang masagot ang inyong katanungan, kailangan muna nating unawain kung ano ang krimen na parricide. Ayon sa ating batas:


“Art. 246. Parricide. — Any person who shall kill his father, mother, or child, whether legitimate or illegitimate, or any of his ascendants, or descendants, or his spouse, shall be guilty of parricide and shall be punished by the penalty of reclusion perpetua to death.” (Revised Penal Code of the Philippines)

Batay sa nabanggit na batas, itinuturing na parricide ang pagpatay ng tao sa kanyang magulang o anak, lehitimo man o hindi; lolo o lola; apo; o ang kanyang asawa. Makikita rito ang mga uri ng relasyon na kinakailangang meron sa pagitan ng pumatay sa pinatay upang maituring na parricide ang kaso. Isa sa mga nabanggit na relasyon dito ay ang relasyon sa pagitan ng mag-asawa. Dahil dito, parricide ang kasong dapat isampa sa taong pumatay sa kanyang asawa. Anumang relasyon maliban sa mga nabanggit ay labas na sa kasong parricide, at ito ay maaaring ituring na murder o homicide.


Sa inyong nabanggit na sitwasyon, kung kinakasama lamang o live-in partner at hindi ikinasal ang pinsan ninyo sa pumatay sa kanya ay hindi talaga ito maaaring ituring na parricide dahil hindi naman sila mag-asawa. Tanging ang mga nagsasamang ikinasal lamang ang kinikilalang mag-asawa ng batas. Ito marahil ang dahilan kung bakit homicide at hindi parricide ang isinampa sa inyong pinsan.


Dagdag dito, bagama’t parehong may elemento ng pagpatay sa kasong parricide at homicide, magkaiba pa rin ang dalawang ito dahil sa aspeto ng relasyon sa kasong parricide na siyang pangunahing batayan at pinagkaiba nito sa kasong homicide. Samakatwid, kung ang relasyon ng pumatay sa pinatay ay wala sa mga nabanggit na uri ng relasyon ayon sa batas tungkol sa parricide, hindi na ito maituturing na parricide at sa halip ay maaaring ibang kaso na ang isampa rito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page