Krimen ang pagtulong sa pagpapakamatay ng isang tao
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 6, 2026

Dear Chief Acosta,
Nagpakamatay po ang binatang anak ng aking kapitbahay na may malubhang karamdaman. Usap-usapan sa barangay namin na noong araw ng insidente, diumano ay kasama niya ang kanyang kaibigan na si Mark. Ayon sa mga nakarinig, si Mark daw ang bumili ng lubid at tumulong sa binata upang kitilin ang sariling buhay nito sa pamamagitan ng pagbibigti. Maaari bang managot sa batas si Mark sa pagtulong niya sa nasabing pagpapakamatay? — Ziza
Dear Ziza,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating batas, partikular sa ilalim ng Artikulo 253 ng Revised Penal Code, o ang krimen ng Giving Assistance to Suicide, na nagsasaad:
“Article 253. Giving assistance to suicide. – Any person who shall assist another to commit suicide shall suffer the penalty of prision mayor; if such person leads his assistance to another to the extent of doing the killing himself, he shall suffer the penalty of reclusion temporal.
However, if the suicide is not consummated, the penalty of arresto mayor in its medium and maximum periods shall be imposed.”
Ayon sa nabanggit, ang pagtulong sa isang tao upang kitilin ang sarili nitong buhay ay itinuturing na isang krimen sa ilalim ng batas penal ng Pilipinas.
Batay sa iyong salaysay, kung mapatutunayan na si Mark ay aktuwal na tumulong sa pagpapakamatay ng anak ng iyong kapitbahay, gaya ng pagbili ng lubid na ginamit sa pagbigti at ang kanyang pagtulong sa oras ng insidente, maaaring managot siya sa krimeng Giving Assistance to Suicide.
Dagdag pa rito, kung sa imbestigasyon ay lumitaw na hindi boluntaryo ang pagkamatay, ang pananagutan ni Mark ay maaaring maiba at umabot sa mas mabigat na krimen tulad ng Homicide o Murder, depende sa mga ebidensiyang lalabas at sa aktuwal na pangyayari.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments