Korupsiyon noon, korupsiyon ngayon, kailangang kumilos
- BULGAR

- Aug 30, 2025
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 30, 2025

Nagdiwang ang Diyosesis ng Cubao ng kanyang ika-22 taon ng pagkakatatag noong nakaraang Huwebes.
Bata pa ang Diyosesis ng Cubao kumpara sa pinanggalingan nitong Arkidiyosesis ng Maynila na itinatag bilang diyosesis noong 1579.
Matagal-tagal kong naranasan ang maituturing na dating dambuhalang Arkidiyosesis ng Maynila. Dambuhala ito dahil sa limang malalaking distrito na bumubuo nito mula distrito ng Manila hanggang sa distrito ng Cubao; Novaliches; Pasig at Pateros; Parañaque, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa; Caloocan, Malabon at Navotas. Dahil na rin sa laki ng Arkidiyosesis ng Maynila, merong ilang katulong na obispo si Jaime Cardinal Sin. Naroroon noon sina Obispo Ted Buhain, Ted Bacani, Manuel Sobreviñas, Rolando Tria Tirona at Soc Villegas.
Panahon noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, katatapos lang ng EDSA Dos na nagsilbing daan para matanggal si dating Presidente Erap Estrada.
Ang malalim na korupsiyon umano ni Erap na ibinulgar ni Chavit Singson pagkatapos nitong dalawin si Jaime Cardinal Sin ay naging mintis para simulan ang sunud-sunod na pagkilos na nagbunga sa EDSA Dos. Naghain ng impeachment complaint sa Kamara.
Dali-daling ipinadala ang impeachment complaint sa Senado, kaya’t mabilis na nagsimula ang impeachment trial. At nakilala ng lahat ang tampok na saksi na isang senior vice president ng isang bangko na nagbigay ng dokumento na nauugnay kay Erap sa malaking kontratang daang milyong piso ang halaga ngunit gamit ang ibang pirma sa pangalang Jose Velarde.
Dumating ang punto na pinagtalunan kung bubuksan o hindi ang “second envelope” na
nagtataglay ng ebidensyang nag-uugnay kay Erap sa Jose Velarde account. Nagbotohan ang mga senador. Nanalo ang 11 senador na bumutong “huwag buksan ang envelope”, at nagsasayaw sa tuwa ang isang senadora na nataguriang “Dancing Queen” ng Senado.
Hindi man nahatulan si Erap dahil sa naunsiyameng proseso ng impeachment, kumilos naman ang taumbayan na nagdala ng makapal na tao sa EDSA Shrine kung saan nagsalita uli si Jaime Cardinal Sin na siyang simula ng EDSA Dos. Naganap ito sa pagitan ng taong 2000-2001.
Araw-araw ang mga rally at misa sa EDSA Shrine. Hindi naglaon nang bumitiw ang military sa pagsuporta kay Erap. Nangyari ito noong Enero 19, 2001 at mula dito tuluy-tuloy nang gumuho ang administrasyon ni Estrada.
Dalawang EDSA ang pinamunuan ni Jaime Cardinal Sin. Nang isinalin na ni Jaime Cardinal Sin kay Obispo Honesto Ongtioco ang kapangyarihang pamunuan ang bagong Diyosesis ng Cubao, sariwang-sariwa pa ang mga kaganapan ng EDSA Dos.
Bagong-luma si GMA na tinatapos lang ang naagaw nitong kalahati ng panahong nalalabing manungkulan ni Erap. Ang sumunod na taon, halalan na at sa gitna ng iskandalong “Hello Garci” na nag-iwan ng malaki at malawak na mantsa sa pagkapanalo ni Arroyo, naiproklama pa rin itong pangulo. Kaya’t kasunod ni Marcos Senior, si GMA na may pinakamahabang termino na tumagal ng siyam na taon (tatlong taon palit kay Erap, anim na taong pangulo).
Mula nang maging Diyosesis ang Cubao noong Agosto 28, 2003, nagtuluy-tuloy din ang mga pagkilos laban kay Arroyo. Nagkaroon ng dalawang “impeachment complaint” laban sa kanya, at ng tatlong kudeta na nagtangkang tanggalin siya sa puwesto. Ngunit nanatiling matibay si GMA at isang malinaw na dahilan ay ang ibinigay na suporta ng mga Obispong Katoliko sa kanya. Ito ang mantsang iniwanan ni Arroyo sa mga puting kasuotan ng mga obispo.
Luminaw ang hindi kanais-nais at tila pagdungis niya sa kredibilidad ng mga obispo. Tumahimik ang karamihan ng mga obispo na sinasabing ikinatuwa ni GMA.
Ngunit hindi tumigil at nanahimik ang mga tumulong na matanggal si Erap kung kaya’t pumalit dito si Gloria.
Nang naging malinaw sa mga lumaban sa umano’y korupsiyon ni Erap, at sa mas korup din umano na humalili rito, nagsunud-sunod naman ang mga pagkilos ng mga mamamayan.
Kaya mula sa tatlong unang taon ng Diyosesis ng Cubao, mula 2003 hanggang 2006 naging maligalig muli ang paligid tulad ng unang tatlong taon ni Erap. Humantong ang ika-3 taon ni PGMA sa krisis ng “withdrawal of support” ng Hyatt 10 noong Hulyo 8, 2006.
Noong Hulyo 10, 2006, isinilang ang ‘Kubol Pag-asa sa People Power Monument’. Nag-“hunger-strike” tayo ng 44 na araw bilang protesta sa ‘mahinang’ pahayag ng CBCP hinggil sa korupsiyon umano ni PGMA, na nagpalakas dito para tapusin ang kanyang anim na taong termino.
Bagong obispo noon at bagong obispo din ngayon. Krisis noon at krisis pa rin ngayon. Nababasa kaya ng Diyosesis ng Cubao ang malalim na hamon ng panahon ngayon?
Ngunit, ang higit na mahalaga sana mabasa ng Diyosesis ng Cubao ang sinasabi at ang kalooban ng Diyos sa amin ngayon!





Comments