top of page

Konstruksyon sa mga klasrum, hayaan na sa LGUs

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 12, 2026



Boses by Ryan Sison


Dapat magsilbi ang silid-aralan bilang unang hakbang ng pamahalaan para sa kabataan. Sa inisyatibong ito ng administrasyong President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inilalapit ang solusyon sa mismong mga nangangailangan.


Sa halip na manatiling mabagal at sentralisado, inililipat ngayon ang bigat ng aksyon sa mga Local Government Units (LGUs), na araw-araw kaharap ang magulang, guro, at mag-aaral. Sa paglagda ng memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at iba’t ibang lalawigan sa Malacañang, inihayag ng Pangulo na ang LGUs ang mangunguna sa procurement at aktuwal na konstruksyon ng mga silid-aralan. Mananatili naman sa DepEd ang pagtatakda ng pamantayan, disenyo, at pondo, pati ang masusing pagrepaso upang matiyak ang kalidad, kaligtasan, at accessibility ng mga proyekto.


Layunin nitong tugunan ang kakulangan na umabot sa 145,000 silid-aralan noong Disyembre 2025, isang backlog na matagal nang humahadlang sa maayos na pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang bagong anggulo ng programang ito ay nagtitiyak na makikinabang ang bawat miyembro ng lipunan. Kapag hawak ng lokal na pamahalaan ang proyekto, ang pananagutan ay malinaw at hindi maililihis. Sa harap mismo ng mga residente, ang kapalpakan ay may mukha at ang tagumpay ay may konkretong benepisyo.


Binigyang-diin ng Pangulo ang pagtatapos sa substandard at “ghost” projects, na mahirap itago kapag ang komunidad mismo ang nakasaksi sa progreso. Ayon kay Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba laban sa katiwalian at hindi ito ililipat sa LGUs.


Mahalaga rin ang papel ni Education Secretary sa pagpapatupad ng prinsipyong “shared responsibility.” Hindi na hiwa-hiwalay ang trabaho dahil pinagsama ang pambansang pamantayan at lokal na pagkilos. Kasama sa kasunduan ang mekanismo para sa pondo, monitoring, maintenance, at publikong pag-uulat upang masigurong napapanahon at tapat ang pagpapatupad.


Ang pangakong gawing pangunahing prayoridad ang edukasyon ay hindi dapat manatiling salita lamang. Ang silid-aralan ay hindi lamang gusali; ito ay puhunan sa kinabukasan ng bansa. Kapag ang komunidad ang kaagapay, mas nagiging totoo ang pagbabago. Ngayon, mas tiyakin ang pagpapanatili ng tiwala, bantayan ang kalidad, at gawing pamantayan ang pananagutan, upang ang bawat bata ay may maayos na upuan, guro na may dignidad, at edukasyong may saysay.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page