Konsensya ang pakinggan, hindi ang mga tagapagtanggol ng kamalian
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ani Judith Sto. Domingo @Asintado | June 5, 2026

Sa bawat pinupuntahan nating matataong lugar sa Kamaynilaan, nauulinigan natin ang mga pangungusap na puno ng damdamin ng pagkadismaya.
Taghoy ng pagkaunsiyami sa dinaranas na kabulukan ng sistema at takbuhin ng ating bansa ang pumapailanlang.
Sino ba namang Pilipino sa puso at diwa ang hindi masasaktan at magagalit sa mga kaganapang hinahayaan ng pamahalaan at mga halal na opisyal na uminog sa bayan. At lahat ng ito ay sa gitna pa man din ng pinansyal na krisis na tinitiis ng ating mga kababayan.
Ang hayaan ba ang mga iyan ang kayang isukli ng pamahalaan? Ang pagtatagisan ba ng mga nakaupong magkakalaban sa
pulitika ang kailangang bumihag at lalong magsadlak sa atin sa bangin ng pagkapariwara?
Ang paggagatungan ng awayan, ang pagkakampi, ang pagkakawatak-watak at paglalaban-laban ay walang higit na sinasaktan at pinadadapa kundi ang bawat naghihirap nang Pilipino. Nasaan ang karunungan? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang puso at malasakit ng bawat tinaguriang lingkod-bayan?
May kasabihan nga, "Ang bawat aksyon ay may katapat na reaksyon." Lahat ng kaguluhan sa pulitika ay bunsod ng pagkamakasarili ng mga pinipiling paghariin ang kanilang damdamin kaysa kapakanan ng taumbayan.
Sa mga nakaupong ginagapi ang katwiran at kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino, mas mabuting gayahin na lamang ninyo ang ehemplo ng mga mararangal sa buong mundo: magparaya at magbitiw sa puwesto! Huwag kayong palinlang sa ingay ng social media o pamumusisyon ng iba't ibang grupo, kundi makinig sa konsensya para sa mga mayroon pa!
Sapagkat ang implikasyon ng inyong bawat desisyon ngayon ay maaaring hindi pa lubos na nahihinang sa kasalukuyan at pagdating ng panahon ay babalutin pala kayo nito ng pagsisisi. Pagsisisi kung bakit hindi kayo nagmalasakit sa taumbayan, kung bakit pinili niyong kapitan ang kapangyarihan kahit wala nang natutuwa sa inyo kundi ang inyong mga suwelduhang tauhan.
Mahimasmasan kayo at makinig sa mga payong masasakit, kaysa mga rason na pabor sa inyong kamalian. Pakinggan ninyo ang tinig ng liwanag at hindi ang bulong ng kadiliman. Kayong mga nasa Ehekutibo at Lehislatura, gamitin ninyo ang natitira ninyong panahon para huwag upusin ang pagtitimpi ng taumbayan.
Gamitin ninyo ang buga ng karunungang ayaw ninyong tanggapin sa kasalukuyan. Huwag na kayong magpanggap ng pagiging makabayan sa inyong mga pahayag dahil ramdam ng tao ang bawat pagpapaimbabaw na nadaramitan ng diumano'y kawalan ng pagiging makasarili.
Sa dami ninyong hungkag sa tunay na pandama para sa bayan, kulang ang espasyong ito para gisahin kayo. Ngunit marami pang araw. Bago pa dumating ang inyong pagiging kalunos-lunos, magkusa na kayong magparaya at managot sa bayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Comments