top of page
Search

Kondisyon para sa mas mahabang lisensya ng contractor

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 17, 2024


Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Malapit nang mag-isang taon bilang lisensyadong contractor ang aking kapatid, at ang kanyang lisensya ay mawawalan na ng bisa sa susunod na buwan. Dahil siya ay saglit pa lamang na nagtatrabaho bilang contractor ay kakaunti pa ang kanyang kita kaya minsan nahihirapan siyang mag-ipon ng pera upang bayaran ang taunang renewal fee para sa kanyang lisensya. Nais sana niyang malaman kung may pagkakataon ba na hindi na taunan ang renewal ng kanyang lisensya bilang isang contractor?  Salamat.


-- Pit-Pit


 

Dear Pit-Pit,


Ang pagkakaroon ng lisensya ay kinakailangan upang magampanan ang mga gawain bilang isang contractor sa ating bansa at ito ay nararapat na ma-renew sa takdang panahon. Ang batas patungkol dito ay matatagpuan sa Seksyon 5 ng Republic Act (R.A.) No. 11711 o “An Act Further Amending Republic Act No. 4566, as amended, Otherwise Known as the Contractor's License Law”, kung saan nakasaad na:


Section 5. Section 40 of Republic Act No. 4566, as amended, is hereby amended to read as follows:


“Section 38. Renewal. A license issued pursuant to the provisions of this Act shall be valid for one (1) year from the date of its issuance.  The renewal fee shall be Five thousand pesos (P5,000.00), pursuant to Section 37 of this Act.


“In case the contractor has been in operation in good standing for twenty-five (25) years or more, it may renew its license every three (3) years.  If it has been in operation in good standing for ten (10) years but not more than twenty-five (25) years, it may renew its license every two (2) yearsIf it has been in operation in good standing for less than ten (10) years, it shall renew its license every year.


“Applications and all other requirements for license renewal may be filed with the Board or its designated agencies, either in person or online, not earlier than ninety (90) days but not later than thirty (30) days before the expiration of the license.” 


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang lisensya ng isang contractor ay may bisa lamang sa loob ng isang taon magmula sa araw na ito ay ipinagkaloob. Ang aplikasyon at iba pang kinakailangang dokumento ay dapat na maipasa sa angkop na ahensya ng gobyerno nang hindi mas maaga sa 90 araw ngunit hindi bababa sa 30 araw bago mawalan ng bisa ang nasabing lisensya. Samakatuwid, ang iyong kapatid ay may sapat na panahon upang asikasuhin ang renewal ng kanyang lisensya.


Ganoon pa man, bilang kasagutan sa iyong katanungan, nakasaad sa Seksyon 5 ng R.A. No. 11711 na maaaring humaba ang bisa ng lisensya ng isang contractor kung siya ay matagal na sa serbisyo at maituturing na in good standing. Ang isang contractor na nag-o-operate sa loob ng 10 taon ngunit hindi lalagpas sa 25 taon ay maaaring mag-renew ng kanyang lisensya sa kada dalawang taon. Ang isang contractor na nag-o-operate naman sa loob ng 25 taon o higit pa ay maaaring mag-renew ng kanilang lisensya sa kada tatlong taon.


Sa iyong nabanggit na sitwasyon, ang iyong kapatid ay nararapat na asikasuhin ang renewal ng kanyang lisensya bilang contractor kada taon at magkakaroon lamang ng pagbabago rito kung sakali na kanyang makamit ang mga patakaran na nakasaad sa nasabing probisyon ng R.A. No. 11711.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page