top of page

Komprehensibong serbisyo para sa OFWs, edukasyon, at kalusugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 13, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Noong February 9, naghain ako ng mga panukalang batas sa Senado. Kung maisabatas ang mga panukalang ito, layunin ng mga ito na hanapan ng tugon ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng ating lipunan —manggagawa, estudyante, pasyente, senior citizens, at mga komunidad sa mga probinsya.


Para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), inihain ko ang Senate Bill No. 1776 o National Reintegration Bill. Layunin nitong ayusin at pag-isahin ang programang tulong ng iba’t ibang ahensya para sa mga umuuwing OFW—mula sa job fairs, pagkilala sa kanilang kasanayan, hanggang sa suporta sa kabuhayan at pagnenegosyo. Mahalaga sa akin na hindi natatapos ang suporta sa oras ng kanilang pag-uwi.


Sa usapin ng paggawa, inihain ko rin ang SBN 1778, na naglalayong magbigay ng survivorship benefits sa mga naiwang pamilya ng mga retiradong opisyal ng National Labor Relations Commission (NLRC), bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.


Para sa edukasyon at kalusugan ng kabataan, inihain ko ang SBN 1780 o Mandatory School Clinics Act, na naglalayong maglagay ng school clinic sa bawat pampublikong elementary at high school. Bilang isang health reforms crusader, mahalagang matugunan nang maaga ang mga simpleng isyung pangkalusugan ng mga bata. Kasama rin dito ang SBN 1781 at SBN 1805 na may hangaring makapagtatag ng mga bagong public high school sa Davao Oriental.


Para sa higher education, inihain ko ang SBN 1782. Isusulong natin na gawing regular campuses ang mga extension campus ng Davao Oriental State University sa Baganga, Cateel, at Tarragona.


Inihain ko rin ang SBN 1779 o Nursing Home for Senior Citizens Act na layong magkaroon ng nursing home sa bawat rehiyon. Nag-file din tayo ng mga panukalang batas na hangad palakasin ang health care system sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bagong ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Para sa mga kawani ng gobyerno, inihain ko ang SBN 1786 na kung maisabatas ay magbibigay ng civil service eligibility sa mga matagal nang casual at contractual employees sa gobyerno. Para sa pagkain at sustainability, nandiyan ang SBN 1787 o Zero Food Waste Act, na naglalayong maipamahagi ang ligtas na sobrang pagkain sa mga nangangailangan.


Suportado rin ang maliliit na negosyo sa pamamagitan ng SBN 1777, na naglalayong i-institutionalize ang Shared Services Facilities Project para sa MSMEs. Para sa mga dentista sa gobyerno, inihain ko ang SBN 1788. Hangad nito na itaas ang kanilang salary grade.


Kasama rin sa ika-limang batch ang SBN 1785 na nagmumungkahi ng amendments sa Special Education Fund, at ang SBN 1791 o Bureau of Immigration Modernization Act na nakatuon sa upgrading ng mga sistema at istruktura ng ahensya.


Bilang inyong senador, prayoridad ko ang kapakanan ng kapwa nating Pilipino mula sa iba’t ibang sektor. Ang lahat ng ito ay bunga ng pakikinig ko sa iba’t ibang sektor. Dapat sumabay ang batas sa aktuwal na kalagayan ng mga tao sa makabagong panahon.


Kamakailan lamang, pinarangalan po tayo ng Gawad Bayani ng Kalusugan Award sa ginanap na World Cancer Day 2026 celebration na inorganisa ng Redscope Communications, Inc. noong February 4. Lubos po akong nagpapasalamat sa pagkilalang ito, but with or without an award, magpapatuloy po akong maglingkod sa ating mga kapwa Pilipino, lalo na sa mga cancer patients, nang may buong malasakit at pagmamahal.


Habang tayo ay nagpapatuloy, nawa’y patuloy tayong humugot ng inspirasyon at lakas mula sa ating mga cancer cancer warriors sa pagbalangkas ng mga batas at pagsusulong ng mga programang magpapabuti sa kanilang kalagayan.


Samantala, noong February 3, binisita po natin ang 45 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Pasay City. Isinagawa rin ang karagdagang assessment upang matukoy ang posibleng rehabilitation interventions para sa kanila.


Nakisaya rin tayo sa opening ceremony ng Filipino-Chinese Athletic Association Basketball League sa pangunguna ni FCAAI Chairman Wilbert Loa. Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, malaki ang suporta ko sa mga ganitong aktibidad na nagbibigay oportunidad sa ating mga atleta. Lagi kong paalala:  get into sports, stay away from drugs, to keep us healthy and fit.


Bukod dito, naghatid din ng tulong ang ating team sa mga residenteng naapektuhan ng mga insidente ng sunog sa Puerto Princesa City sa Palawan; Quezon City; Santa Rosa City, Laguna; Bacoor City, Cavite; at Marikina City. Naghatid din ang aking team ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Basyang sa Iligan City, sa Cagayan de Oro City, Lagonglong at Gingoog City sa Misamis Oriental, at sa mga bayan ng Surigao del Norte sa Mainit, Claver, Bacuag, Tagana-an, Sison, at San Francisco.


Nakipag-ugnayan din ang ating team sa lokal na pamahalaan ng Macabebe, Pampanga, upang makapagbigay ng karagdagang tulong sa mga indigent residents.


Bilang isang lingkod-bayan, patuloy po akong magsisikap na maghanap ng mas marami pang paraan na makatulong upang mapabuti ang buhay ng ating mga kapwa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo din sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page