top of page
Lakam Chiu arrested - Circulated ABS-CBN.jpg

Walang bisa ang resignation letter na hindi kusang-loob na ginawa

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 25, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kamakailan lamang, pinilit ako ng dati kong employer na pirmahan ang isang resignation letter. Dahil sa matinding pagbabanta at pananakot na ginawa laban sa akin, wala na akong ibang nagawa kundi ang pumirma sa nasabing dokumento, sa kabila ng katotohanang hindi ko naman kusang-loob na ninais na magbitiw sa trabaho. Sa ganitong mga pangyayari, maaari ko pa rin bang ihain ang reklamo para sa illegal dismissal laban sa dati kong employer, sa kabila ng pagkakaroon ng resignation letter? — Jane





Dear Jane,


Ang resignation letter ay isang pormal na pagpapahayag ng intensyon ng isang empleyado na kusang-loob na wakasan ang kaniyang pagpasok sa trabaho. Isang mahalagang elemento ng isang balidong pagbibitiw sa trabaho ay kinakailangan na ang nasabing desisyon ay malayang ginawa ng empleyado at hindi bunga ng pamimilit, pananakot, o intimidasyon. Kung ang isang empleyado ay napilitang magbitiw o pumirma sa isang resignation letter dahil sa mga kilos, pananakot, o hindi makatarungang pagtrato ng employer, ang naturang pagbibitiw sa trabaho ay maaaring ituring na isang anyo ng constructive dismissal. Sa ganitong pagkakataon, maaaring magkaroon ng batayan ang empleyado upang maghain ng reklamo para sa iligal na pagtanggal sa trabaho. 


Sa kaso na Salvador Dela Fuente et al., vs. Marilyn E. Gimenez (G.R. No. 214419, November 17, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Rodil V. Zalameda), pinaliwanag ng Korte Suprema na: 


“To determine whether the employee indeed intended to relinquish his or her employment, the act of the employee before and after the alleged resignation must be considered. In order to determine whether the employees truly intended to resign from their respective posts, we must take into consideration the totality of circumstances in each particular case.


Moreover, settled is the rule that the employer has the burden of proving, in illegal dismissal cases, that the employee was dismissed for a just or authorized cause. Even if the employer claims that the employee resigned, the employer still has the burden of proving that the resignation was voluntary. Further, the evidence thereon must be clear, positive, and convincing. The employer cannot rely on the weakness of the employee's evidence.”


Maliwanag na ang pagkakaroon lamang ng sinasabing resignation letter ay hindi sapat upang agad na ipalagay na ang pag-alis ng isang empleyado sa kaniyang trabaho ay tunay na boluntaryo. Kinakailangang suriin ang kabuuan ng mga pangyayari, kabilang ang mga kilos at asal ng empleyado bago, habang, at pagkatapos ng kaniyang sinasabing resignation, upang matukoy kung mayroon talaga siyang malinaw at malayang hangarin na wakasan ang kaniyang trabaho.


Kaya naman, sa iyong kalagayan, makabubuting maingat mong ipunin ang lahat ng ebidensiyang maaaring magpatunay na ang iyong pagpirma sa nabanggit na resignation letter ay hindi bunga ng malaya at kusang-loob na desisyon, kundi resulta ng pagbabanta, pananakot, pamimilit, o iba pang kalagayang nag-alis sa iyo ng tunay na kalayaang pumili. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page