Kickboxers Saclag at Iniong, gold; Casares at Mangrobang, ginto rin
ni VA / MC - @Sports | May 15, 2022

Muling nakapaghatid ng karangalan sina kickboxers Gina Iniong-Araos at Jean Claude Saclag para sa kampanya ng Pilipinas sa 31st Vietnam Southeast Asian Games noong hatinggabi ng Biyernes at napanatili ang korona sa Bac Ninh Gymnasium sa Hanoi.
Nagpakita agad ng pagka-agresibo, umiskor ng 2-1 victory si Iniong-Araos, 32, ng Baguio City, kontra sa mas malaki at malapad na si Jaiteang Waraporn ng Thailand para sungkitin ang gold sa women’s low kick 60kg finals.
Natapatan din ni Saclag ang pagka-agresibo at tapang ng Thai na si Chaleamlap Santidongsakum para sa 2-1 win sa men’s 63.5kg low kick finals at tuluyang tapusin ng Pinoy kickboxers ang laban sa inaning 2 gold, 4 silver at 2 bronze medals.
Naghari ang Vietnam sa kickboxing na may kabuuang tally na 5-0-6, kasunod ng Thailand sa 2-4-6.
Ang 2 ginto ang naghatid sa tally ng Pilipinas sa 5-12-11 sa pagtatapos ng aksiyon noong Biyernes ng gabi.
Matamis na tagumpay ito para kay Iniong-Araos, na minsang nagduda sa lakas niya makaraang manganak noong nakalipas na 2 taon makaraang magreyna sa 55kg light kick event sa Philippine SEA Games noong 2019. “Naging challenge sa akin ang mga negative comment ng marami na kesyo sabi nila, ‘Ano ba ‘yan? Nanganak na lalaban pa, ba’t ‘di na lang alaagan ang anak?’” ayon kay Aniong-Araos, na kakasa pa sa vovinam, isang Vietnamese form na martial art.
Nasaksihan nina Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino at PSC Commissioner Ramon Fernandez, ang chief of mission ng national team here ang finals.
Nainspira si Saclag sa presensiya at suporta ng mga opisyal, “Masarap lagi ang first (gold). Pero masarap din ang pangalawa, para sa bayan!”
Ang iba pang Pinoy finalists ay sina Renalyn Daquel, Gretel De Paz, Zephania Ngaya at Claudine Veloso – na nagtapos sa silver.
Samantala, nakapagtala rin ang triathletes na sina Fernando Casares at Kim Remolino kahapon ng gold-silver finish.
Naorasan si Casares ng 01:56.570 sa men's individual triathlon upang makauna habang nakasunod ang kabayang si Remolino sa 01:59.160. Bronze medal kay Indonesia's Ronald Setiawan Bintang sa 02:01.350. As of 2 pm kahapon, may 6 na gold medals, 13 silver, at 11 bronze medals na ang 'Pinas ayon sa SEA Games website.
Gold medalist din si women's triathlete Kim Mangrobang para sa ikatlong diretsong first place. Bronze medal naman si Raven Alcoseba. Apat na ang medalya ng Pilipinas sa triathlon.





Comments