Katotohanan ang dapat lumitaw sa impeachment
- BULGAR

- 4 days ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 4, 2026

Ilang araw na lamang at pormal nang sisimulan sa Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa gitna ng iba't ibang pananaw at argumento tungkol sa impeachment, ipinaalala ni Atty. Dino de Leon noong nakaraang Martes na "sagrado" ang prosesong ito. Aniya, hindi ito isang simpleng political exercise o zarzuelang pampulitika na walang patutunguhan. Hindi rin ito paligsahan ng husay ng mga abogado o karaniwang debate na may panig na "pro" at "con."
Higit sa lahat, hindi dapat tingnan ang impeachment bilang isang prosesong umiikot lamang sa impluwensiya, kapangyarihan, o pera. Isa itong mekanismong itinatadhana ng Konstitusyon upang mapanagot ang matataas na opisyal ng pamahalaan. Kaya't hindi ito maituturing na isang palabas o libangan na maihahalintulad sa mga noontime show o pelikulang pampatawa.
Kung tutuusin, hindi lamang ang impeachment ang maaaring tawaging sagrado. Mayroon ding mga sagradong lugar, gaya ng mga simbahan, at mga makasaysayang pook tulad ng EDSA Shrine at EDSA People Power Monument, na sumisimbolo sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng nalalapit na impeachment trial, nagsagawa ang Clergy of Good Governance ng "Mass for Truth, Justice and Transparency in Support of the Impeachment Prosecution Team, Both Public and Private Prosecutors." Idinaos ito noong Hulyo 2, 2026, sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral sa Cubao.
Payak at maikli ang misa, alinsunod sa kahilingan ng mga miyembro ng prosecution team na abala sa paghahanda para sa paglilitis.
Dumalo rito ang 12 pari at walong miyembro ng impeachment prosecution team. Kabilang sa mga public prosecutors sina Rep. Gerville "Jinky" Luistro, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Joel Chua, Rep. Ysabel "Bel" Zamora, at Rep. Arlene "Kaka" Bag-ao. Mula naman sa private prosecutors ay dumalo sina Atty. Lorna Patajo-Kapunan at Atty. Michael Fua.
Pinangunahan ni Fr. Bong Sarabia ang misa, habang si Msgr. Melchor David ang nagbigay ng homiliya.
Nagbigay ng kaunting pagpapatawa si Msgr. David nang banggitin niyang madalas siyang mapagkamalang dating Pangulong Fidel V. Ramos dahil sa kanilang pagkakahawig. Naging magaan ang himpapawid sa simbahan matapos itong sundan ng tawanan.
Kalaunan ay binanggit niya si "Uncle Ben," ang tiyuhin ni Peter Parker sa Spider-Man, at ang tanyag nitong pahayag:
"The opportunities to do good are all around us. They are not our choices; they are our responsibilities."
Ipinaalala niya na ang paggawa ng mabuti ay hindi lamang isang opsiyon kundi isang pananagutan.
Bago matapos ang misa, pumuwesto sa harapan ang mga pari at mga miyembro ng prosecution team. Itinaas ng mga pari ang kanilang mga kamay habang sama-samang nanalangin at humingi ng gabay, lakas, at karunungan para sa mga mag-uusig sa nalalapit na paglilitis.
Tumagal lamang ng 45 minuto ang misa. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro na itinuro sa kanya ng kanyang ina na ang panalangin ay dapat malinaw, tiyak, at taimtim.
Hiniling niya sa publiko na samahan sila sa pananalangin para manaig ang katotohanan, makamit ang katarungan, at mapangalagaan ang kapakanan ng sambayanan.
Hindi lamang aniya ang prosecution team ang dapat ipagdasal kundi maging ang defense panel, ang mga senator-judges, at ang buong sambayanang Pilipino.
"We believe that Filipinos deserve better leaders. Filipinos deserve a better nation. Filipinos deserve a better Republic. Please walk with us. Please be with us until the conclusion of this impeachment trial," ani Luistro.
Sa huli, ang panalangin ay hindi lamang para sa tagumpay ng isang panig, kundi para manaig ang katotohanan, maipatupad ang katarungan, at mapangalagaan ang interes ng buong bansa. Amen.





Comments