top of page

Katiwaliang hindi matakpan ng magagarbong kasuotan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ani Judith Sto. Domingo @Asintado | April 24, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Mabibigat na akusasyon at karimari-marim na mga balita na naman ang pumailanlang sa ating kalagitnaan at kamalayan nitong mga nagdaang araw. 


Ngunit bago iyan, pampagaan muna ng kalooban at pambuhay ng pag-asa ang atin munang pasadahan.


Hayaan ninyong muli kong bigyan ng personal na komendasyon at pasasalamat ang Pag-IBIG Fund branch sa SM Aura sa ilalim ni Ginoong Rommel R. Ramallosa na may mga kawaning buong husay at buong sigasig ang pagdamay sa mga nagsisipunta roon na tulad ng inyong abang lingkod.


Ibang klaseng paglilingkod ang ibinigay sa atin doon ni Ginoong Antonio "Anton" C. Corpuz, na tinulungan tayong tumulong rin sa suliranin ng iba sa paraang karapat-dapat lamang bigyang pugay at pagkilala.  


Hindi lamang matimyas na pag-aasikaso, kundi taos-pusong pagmamalasakit ang ipinamalas at iginawad sa atin ni Ginoong Corpuz. Inalisa at inaral niya ang kabuuan ng mga sitwasyon, at saka nagbigay ng kanyang pinakamainam na pagpapayo—sa ngalan ng pagkamit ng pinakamabuting benepisyo mula sa Pag-IBIG Fund. 


Nakadaupang palad rin natin ang kapita-pitagang si Ginoong Ramallosa, na ipinakilala sa atin ni Ginoong Corpuz at nag-alok rin ng kanyang anumang maitutulong sa atin—sa ngalan ng tunay at malalim na paglilingkod.  


Kung lahat ba naman ng nilalapitang ahensya ng gobyerno ay kagaya nila, na ginagawa ang lahat para makakuha ng pinakamainam at pinakamalaking komputasyon ng tamang benepisyo ang mga miyembro, aba'y mararamdaman ng mga Pilipino na malaki ang pakinabang sa mga kontribusyong kanilang inihuhulog, na kanila namang mapakikinabangan sa panahon ng higit na pangangailangan.  


Pagsaludo sa Pag-IBIG Fund sa SM Aura branch at sa buong Pag-IBIG Fund!

Sa kabilang dako, kasalimuotan na naman ang tumatambad sa taumbayan. Paano ba naman, tila wala nang matitirang walang dapat ikaso sa ating mga matataas na opisyal. Kaya lamang, mga butete pa lamang ang mga nakakasuhan at naipakukulong sa ngalan ng katiwalian. 


Nagsalita na si Dating House Speaker Martin Romualdez, ngunit mas maraming tanong kaysa sagot ang naiwan sa taumbayan. At ang malaking tanong ay bakit ngayon lamang siya nagbulalas sa publiko at bakit kakapiranggot lamang ang kanyang pagpapaliwanag na tila pagtalakay ng isang titser sa mga mag-aaral? Ang katotohanan ang magpapalaya sa atin, at ang buong katotohanan ang magbibigay daan sa ganap na hustisya para sa bayang tila sinalaula ng korupsiyon sa matagal nang panahon.  


Gaano nga kaya kataas ang mararating ng pukulan ng akusasyon sa dakong huli? Naiinip na ang mamamayan. Puro palitan ng akusasyon sa magkabilang panig, na ang mga tagapagsalita at bida-bidahan ay tila silang may mga kinikimkim na matinding paghihiganti sa kanilang mga inaakusahan.


Dagdag pa r’yan, sila-sila man din ay nakapandidiring nababalot sa mga kasuotang kay mamahal ang presyo na kung araw araw ay iba-iba ay nangangahulugan ng malaking halagang sana ay itinulong na lang sa gipit na taumbayan! Paano pa nga kaya nagagawang magbihis ng magagarbo ng mga sinasabing lingkod-bayan para maging maganda sila sa telebisyon at live streaming habang lugmok na ang hitsura ng kanilang mga nasasakupan!


Marami nang dalang bigat ang ating mga kababayan, unahin silang tulungan at damayan. Sila ang tunay na dapat pag-ukulan ng lahat ng napapanahong pagsisilbi sa ganitong uri ng kahirapan ng panahon. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page