top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na

Katapatan ng Diyos at karupukan ng tao

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 21
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 21, 2026



Fr. Robert Reyes


Dalawang magkasabay na pagdiriwang ang naganap noong nakaraang Biyernes ng alas-sais ng gabi. Hindi tayo nakadalo sa ikalawang araw ng Nobenaryo para sa Ina ng Laging Saklolo dahil sa pagtanggap kay Obispo Elias Ayuban bilang pansamantalang administrador ng Diyosesis ng Parañaque. Siya ang pansamantalang mamumuno sa diyosesis kasunod ng pagreretiro ni Obispo Jesse Mercado.


Dahil dito, hindi tayo nakadalo sa ikalawang Misa Nobenaryo sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City. Pinangunahan ang Misa ni Padre Arlo Yap, SVD. Tulad ng kanyang nakasanayan, naging masigla at puno ng pag-asa ang pagdiriwang. Bagama’t “Kahirapan” ang tema ng ikalawang araw, hindi ito nagtapos sa kalungkutan kundi sa pag-asa.


Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ng mga dumalo sa pagtanggap sa bagong administrador ng Diyosesis ng Parañaque. May lungkot dahil sa pagreretiro ni Obispo Mercado, ngunit may galak din dahil sa bagong pag-asa at mga pangakong hatid ng bagong pamunuan sa ilalim ni Obispo Ayuban.


Mahigit dalawampu’t isang taon nanungkulan si Obispo Mercado, katulad ni Obispo Honesto Ongtioco ng Diyosesis ng Cubao. Sila ang mga kauna-unahang obispo ng dalawang diyosesis na nabuo nang hatiin ang dating dambuhalang Arkidiyosesis ng Maynila sa panahon ni Jaime Cardinal Sin. Malalaki ang hamon ngunit malaki rin ang mga pangakong kinaharap ng mga bagong diyosesis noong panahong iyon.


Sa pagdiriwang ng Pista ng Ina ng Laging Saklolo, binabalikan ng mga mananampalataya ang masasaya at malulungkot na karanasan, mga tagumpay at kabiguan sa loob ng animnapung taon. Sa paggunita sa anim na dekadang kasaysayan ng parokya, muling inuunawa at isinasabuhay ang mahahalagang aral na iniwan ng nakaraan.


Samantala, habang isinasagawa ang ikalawang Misa Nobenaryo at ang pagtanggap kay Obispo Ayuban sa Parañaque, lumabas ang balita tungkol sa planong paglagda ng Estados Unidos at Iran sa isang Memorandum of Understanding sa Switzerland upang wakasan ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa.


Damang-dama hindi lamang sa Gitnang Silangan kundi sa buong mundo ang epekto ng sigalot na ito. Bagama’t bumaba ang presyo ng langis, hindi na ito bumalik sa dating antas. Nanatiling mataas ang presyo ng gasolina, krudo at iba pang pangunahing bilihin, kaya lalong bumigat ang buhay para sa marami, lalo na sa mga mahihirap.


Ayon sa ulat, nilagdaan ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang kasunduan noong nakaraang Miyerkules sa G7 Summit sa Versailles, France. Ayon naman kay Mohammad Bagher Ghalibaf ng Iran, ang kasunduan ay tanda ng “pagkabigo” ng Estados Unidos.


Isa sa mga agarang epekto ng kasunduan ang pag-alis ng naval blockade ng Estados Unidos sa Strait of Hormuz. Nakasaad din sa dokumento na hindi na babalik sa dating kalagayan bago sumiklab ang digmaan. Maniningil na umano ang Tehran para sa paggamit ng Strait of Hormuz. Sa panig naman ng Estados Unidos, itinuturing na malaking tagumpay ang pagsang-ayon ng Iran na bawasan ang kanilang stockpile ng enriched uranium.


Kasama rin sa usapan ang pagbuo ng isang $300 bilyong reconstruction fund para sa muling pagtatayo ng mga nasirang gusali at imprastraktura sa Iran. Samantala, iginiit ni Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi pa aalis ang Israel sa Lebanon habang patuloy nitong tinutugis ang Hezbollah.


Malinaw na sa kabila ng tigil-putukan, pansamantala lamang ito. Katulad ng anumang pamayanang Kristiyano, hindi nawawala ang mga hamon at pagsubok sa landas ng pananampalataya at paglilingkod.


Habang ipinagdiriwang ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo ang animnapung taon ng biyaya at paglilingkod sa Diyos at kapwa, nananatili ang tanong: matapos ang anim na dekada ng pagbubuo ng sambayanang Kristiyano-Katoliko, higit ba tayong namulat, nakaunawa at naging handang harapin ang mga hamon ng tunay na pagsunod kay Kristo?


Ang sagot ng mga parokyano ng Ina ng Laging Saklolo ay malinaw: “Oo. Sisikapin namin, nang may buong tiwala at tapang, na maglingkod sa Diyos, sa kapwa, sa dukha at sa kalikasan sa tulong at gabay ni Kristo at ng Kanyang Ina, si Maria ng Laging Saklolo. Anuman ang mangyari—magkamali man, magkasala o manghina—naririyan lagi si Kristo at ang Kanyang Ina upang gumabay at umalalay sa amin.” Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page