top of page
WINNER - MAGULANG NI VINCENT, GALIT NA GALIT NA ITINAGO SA KANILA ANG KASAL KAY BEA-FB Nan

Kasal na hindi ganap na naipawalang-bisa sa ilalim ng batas Muslim

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 14, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kamakailan lamang ay nagtungo ako sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang kumpirmahin ang balita ng mga kapitbahay ko na ang dati kong asawa ay nagpalit ng relihiyon at naging Muslim upang magpakasal sa ibang babae. Laking gulat ko nang makita ko ang kopya ng aming marriage certificate at doon ay may anotasyon na nagsasabing ang aming kasal ay napawalang-bisa na sa bisa ng divorce decree na iginawad ng Shari’ah court. Nais ko lamang pong itanong kung legal po ba ang nangyaring ito?  — Margarita





Dear Margarita,


Sa kasong Malaki and Salanatin-Malaki vs. People of the Philippines, G.R. No. 221075, 15 Nobyembre 2021, sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, sinabi ng Korte Suprema na ang isang partido na naunang ikinasal ng huwes, na kinalaunan ay lumipat sa relihiyong Islam at nagpakasal muli sa kabila ng kanyang naunang kasal, ay maaaring mahatulan ng kasong Bigamy.


Ang batas na ginawang batayan ng Korte Suprema sa paggawad ng desisyon sa nasabing kaso ay ang Presidential Decree No. 1083, o ang “Code of Muslim Personal Laws of the Philippines,” na naglalayong kilalanin at ikodigo ang sistemang legal ng mga Muslim sa Pilipinas. Batay sa nasabing batas:

 

“Article 13.  Application. — (1) The provisions of this Title shall apply to marriage and divorce wherein both parties are Muslims, or wherein only the male party is a Muslim and the marriage is solemnized in accordance with Muslim law or this Code in any part of the Philippines.


(2) In case of marriage between a Muslim and a non-Muslim, solemnized not in accordance with Muslim law or this Code, the Civil Code of the Philippines shall apply.”


Sa iyong sitwasyon, ang pagpapalit ng relihiyon ng iyong asawa ay hindi maaaring gawing kasangkapan para magsampa ng petisyon upang ikaw ay kanyang idiborsyo.  Malinaw ang Code of Muslim Personal Laws of the Philippines sa pagsasabi na ang batas na ito ay sumasaklaw lamang sa kasal o diborsyo kung saan:


  1. Ang parehong partido ay mga Muslim; o

  2. Ang partidong lalaki lang ang Muslim at ang kasal ay isinagawa alinsunod sa Batas Muslim o sa nasabing kodigo.


Dagdag pa rito, napapaloob din sa pangalawang Talata ng parehong Artikulo na kung sakaling ang kasal ay sa pagitan ng isang Muslim at hindi Muslim, at ang nasabing kasal ay isinagawa hindi alinsunod sa Batas Muslim o sa nasabing kodigo, ang Bagong Kodigo Sibil ng Pilipinas (New Civil Code of the Philippines) ang susundin.


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang inyong kasal ay hindi ganap na naipawalang-bisa sa ilalim ng Batas Muslim dahil ang petisyon para sa diborsyo ng iyong asawa ay hindi dumaan sa tamang proseso.  Dagdag pa rito, dahil hindi ganap na naipawalang-bisa ang inyong kasal, kaya ang pangalawang kasal niya ay maituturing na bigamous. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page