Kasal, hindi nabubuwag sa sariling kasunduan
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2026

Dear Chief Acosta,
Magulo na ang pagsasama naming mag-asawa. Lagi na lang kaming nag-aaway at nagtatalo. Ilang beses na rin kaming nag-usap sa barangay. Nitong huli, napagkasunduan naming maghiwalay at magkani-kanya na lamang. Kung sakali, maituturing na bang walang bisa ang aming kasal? Maaari na ba kaming muling magpakasal sa iba? — Zyreen
Dear Zyreen,
Ayon sa ating Family Code of the Philippines, ang kasal (marriage) ay isang espesyal na kontrata ng permanenteng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na pinasok alinsunod sa batas para sa pagtatatag ng buhay mag-asawa at pamilya:
“Article 1. Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.”
Dahil sa nasabing katangian, ang mga kahihinatnan at mga pangyayaring may kaugnayan dito ay pinamamahalaan ng batas, at hindi napapailalim sa itinakda ng mga partido. Kung kaya, ang mag-asawa ay hindi maaaring magsagawa ng isang kasunduan lamang upang wakasan o buwagin ang kanilang kasal.
Kaugnay nito, sa kasong Jerrysus L. Tilar vs. Elizabeth A. Tilar, et al., G.R. No. 214529, 12 Hulyo 2017, sa panulat ni Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta, pinasiyahan ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema na ang mag-asawa ay hindi maaaring basta-basta buwagin ang kasal sa kanilang kapritso:
“As marriage is a lifetime commitment which the parties cannot just dissolve at whim, the Family Code has provided for the grounds for the termination of marriage. These grounds may be invoked and proved in a petition for annulment of voidable marriage or in a petition for declaration of nullity of marriage, which can be decided upon only by the court exercising jurisdiction over the matter.”
Sa ilalim ng Family Code, mayroon lamang mga itinatakdang batayan para sa pagwawakas ng kasal. Ang mga batayan na ito ay maaaring lamang gamitin at patunayan sa isang petisyon, na maaaring pagpasiyahan lamang ng korte na may hurisdiksyon sa usapin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments