Karapatang magkaroon ng sariling bahay
- BULGAR
- Mar 28, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 28, 2021
Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan ay ang magkaroon ng bahay o lugar na masisilungan. Tulad ng pagkain at kasuotan, ang bahay ay isa sa mga bagay na dapat mayroon ang tao. Ito ay pinagsusumikapan ng bawat mamamayan na makamit kahit maliit, basta maituturing na kanyang pagmamay-ari.
Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 7279, o mas kilala sa titulong “Urban Development and Housing Act of 1992,” ang ating mga kababayan ay mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng kanilang sariling bahay sa pamamagitan ng Socialized Housing Program ng pamahalaan. Sakop ng Socialized Housing Program ang mga pabahay na isinagawa ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor para sa mga nasa mas mabababang antas ng pamayanan na gustong magkabahay, subalit hindi makayanan ang mataas na hulog para sa nasabing bahay.
Para maisakatuparan ang mga layunin ng Socialized Housing Program ng gobyerno, ang mga lupang pag-aari ng gobyerno at ng mga nailit na lupain ay bibilhin ng lokal na pamahalaan o ng National Housing Authority (NHA) para ipamahagi sa mamamayan na kuwalipikadong makakuha ng pabahay sa ilalim ng nasabing programa. Ang mga aktuwal na nakatira sa mga nasabing lupa na bibilhin ng pamahalaan para sa Socialized Housing Program ay magkakaroon ng karapatang maunang alukin para bumili nito.
Para maging kuwalipikado sa programang ito, ang benepisaryo ay kinakailangan na Pilipino, hindi kasama sa mga tinaguriang “professional squatters,” nasa mababang antas ng lipunan at walang bahay o anumang pag-aari na lupain.
Ang mga napagkalooban ng benepisyo mula sa Socialized Housing Program ay hindi pinahihintulutang magbenta, magpaupa o magsanla ng lupa at bahay na naipamahagi sa kanila sa ilalim ng nabanggit na programa. Anumang pagsasanla o pagbebenta ay walambisa at ang nagbenta o nagsanla ay mawawalan ng karapatan sa lupa at lahat ng kanyang naibayad ay mapupunta sa pamahalaan. Hindi na rin siya maaari pang kumuha ng kanyang lupa at bahay sa ilalim ng programa sa loob ng sampung taon mula nang ito ay lumabag sa nasabing pagbabawal.
Kapag ang benepisaryo ay namatay bago maibigay sa kanya ang kabuuang pagmamay-ari nito, maililipat ito sa kanyang mga tagapagmana matapos na akuin nila ang pagbabayad ng natitirang bayarin. Kapag hindi inako ng kanyang mga tagapagmana ang natitirang utang o obligasyon, muli itong maibabalik sa pamahalaan para maipamahagi itong muli sa ilalim ng probisyon ng programa sa iba pang benepisaryo.
Nakapaloob din sa batas ang Community Mortgage Program. Ang programang ito ay ang programa ng National Home Mortgage Finance Corporation na may layuning tulungan ang mga nabuong legal na grupo na nasa mababang antas ng lipunan at ng mga walang bahay na bumili at ayusin ang malaking lupain na ituturing na pagmamay-ari nilang kumon bilang komunidad.
Ang layunin ng programang ito ay upang mabigyan ng tulong ang mga naninirahan sa mahihirap na lugar na mabili ang lupang kanilang inuukopa o ng lugar kung saan nila gustong lumipat upang sa kalaunan ay magawa nila itong maayos sa abot ng kanilang kakayahang pagandahin ang kanilang komunidad at kabahayan.
Ang mga benepisaryo sa ilalim ng Community Mortgage Program ay hindi mapapaalis sa kanilang tinitirhan maliban kung sila ay lumiban sa kanilang pagbabayad ng amortisasyon ng tatlong (3) buwan.




Comments