Karapatang bumoto nang maayos at naaayon sa konsensiya
- BULGAR

- 5 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 7, 2025

Ang pagpili ng mga magiging kinatawan ng mga mamamayan sa Kongreso at sa lokal na pamayanan ay nakasalalay sa ating mga kamay at tamang desisyon. Kaya marapat nating gampanan ang ating mga tungkulin at karapatang bumoto nang maayos at naaayon sa ating konsiyensya. Pumili tayo ng mga lingkod-bayan na totoong mangangalaga sa ating mga kapakanan at mag-aangat sa ating antas ng pamumuhay.
Ang karapatan na maghalal ay nakasaad sa ating Saligang Batas, partikular sa Artikulo V, kung saan nakasaad na:
“Sek. 1. Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ariarian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.
Sek. 2. Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para maseguro ang pagiging sikreto at sagrado ng balota at gayon din ng isang sistema para sa pagbotong liban ng mga kuwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at mga ilitireyt, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga ibang tao. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon sa Halalan upang maprotektahan ang pagiging sikreto ng balota.”
Nakasaad sa mga nabanggit na probisyon na maliban sa mga inalisan ng karapatan ng batas, ang mga mamamayang may edad na mula 18 at pataas ay mayroong karapatan na maghalal ng mga gusto nilang lingkod-bayan. Para makalahok sa halalan ang isang botante, dapat ay rehistrado siya sa lugar na kanyang pagbobotohan. Siya rin ay dapat na nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon bago ang nakatakdang halalan, at anim na buwan naman sa lugar kung saan siya boboto. Maliban sa mga nabanggit, wala nang iba pang kuwalipikasyon ang kinakailangan para makalahok ang isang mamamayan sa halalan.
Para sa mga Pilipino na naging mamamayan (citizens) ng ibang bansa subalit nanumpang muli ng kanilang katapatan (allegiance) sa Republika ng Pilipinas, maaari rin silang bumoto sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act (R.A.) No. 9225 (Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003), kung saan nakasaad na:
“Sec. 5. Civil and Political Rights and Liabilities. -- Those who retain or re-acquire Philippine citizenship under this Act shall enjoy full civil and political rights and be subject to all attendant liabilities and responsibilities under existing laws of the Philippines and the following conditions:
(1) Those intending to exercise their right of suffrage must meet the requirements under Section 1, Article V of the Constitution, Republic Act No. 9189, otherwise known as “The Overseas Absentee Voting Act of 2003” and other existing laws; xxx”
Kinakailangan lamang na ang mga nasabing Pilipino ay nakapanumpa ng kanilang katapatan sa Republika ng Pilipinas ayon sa probisyon ng Section 3 ng R.A. No. 9225, kung saan nakasaad na:
“Section 3. Retention of Philippine Citizenship -- Any provision of law to the contrary notwithstanding, natural-born citizens by reason of their naturalization as citizens of a foreign country are hereby deemed to have re-acquired Philippine citizenship upon taking the following oath of allegiance to the Republic:
xxx xxx xxx”
Matapos ang kanilang panunumpa ng katapatan sa ilalim ng R.A. No. 9225, ang mga nasabing mamamayan ay tataguriang mga “dual citizens” at sila ay magkakaroon na ng karapatan para makaboto. Ang karapatang ito ay kinilala ng Korte Suprema sa kasong Loida Nicolas-Lewis, et al. versus COMELEC (G.R. NO. 162759, Agosto 4, 2006), kung saan ang “dual citizens” na nagpetisyong makaboto sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Act kahit na hindi nanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon bago ang halalan ay pinayagan na makaboto. Sa nasabing kaso, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Cancio C. Garcia, sinabi ng Korte Suprema na:
“WHEREFORE, the instant petition is GRANTED. Accordingly, the Court rules and so holds that those who retain or re‑acquire Philippine citizenship under Republic Act No. 9225, the Citizenship Retention and Re‑Acquisition Act of 2003, may exercise the right to vote under the system of absentee voting in Republic Act No. 9189, the Overseas Absentee Voting Act of 2003.”








Comments