top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Karapatan sa repormang pansakahan at panlikas na kayamanan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa Artikulo XIII ng ating Saligang Batas, na isinalin sa Wikang Filipino, nakasaad ang pagkilala ng Estado sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa repormang pansakahan at panlikas na yaman. Sa Seksyon 4 ng nasabing artikulo, kinilala ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid na walang pagmamay-aring sakahang lupa na magkaroon ng tuwiran o sama-samang pagmamay-ari nito. Sa iba pang mga manggagawa sa bukid, kinikilala rin ng Estado ang kanilang karapatan na tumanggap ng makatarungang bahagi sa mga bunga ng lupang kanilang sinasaka. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng mga lupang pansakahan.


Ito ay isasailalim sa mga prayoridad at sa makatwirang angkop na sukat na itatakda ng Kongreso, na may pagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ekolohiya, pangkaunlaran, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran. Kaya naman, dapat igalang ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retention limit at maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa. 


Upang maisakatuparan ng Estado ang adhikaing ito ay isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998, na inamyendahan naman ng R. A. No. 9700. Nakapaloob sa mga batas na ito ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan na naglalayong pagkalooban ang mga walang lupang magsasaka at manggagawa sa bukid ng pagmamay-ari sa mga lupang sakahan. Ito ay upang makibahagi ang mga magsasaka sa mga lupang kanilang sinasaka. Sakop ng nabanggit na batas ang mga pribadong sakahan at pati na rin mga pampublikong lupain na ginagamit bilang sakahan. 

         

Ang mga pribadong agricultural landowners na sakop ng programang ito ay mabibigyan ng sapat na kabayaran para sa lupain na kanilang ibabahagi sa mga kwalipikadong magsasaka na nagtatrabaho sa kanilang lupain. Sa ilalim ng CARP, walang sinuman ang magmamay-ari ng lupang sakahan nang mas higit sa limang ektarya. Ang bawat anak ng landowner ay mabibigyan ng tatlong ektarya bawat isa kung ang nasabing mga anak ay may edad na 15 pataas at sila ay aktuwal na nagtatrabaho sa nasabing lupain o direktang namamahala nito. (Section 6, R.A. No. 6657).

     

Ang pamamahagi ng lupang sakahan ay isasagawa matapos na maisagawa ang nararapat na kabayaran sa mga nagmamay-ari ng lupang sakahan. Sang-ayon sa batas, babayaran muna ng Landbank of the Philippines (LBP) ang may-ari ng lupang sakahan. Matapos nito, babayaran naman ng magsasaka ang lupa sa LBP sa pamamagitan ng thirty (30) annual amortizations. Ang utang na ito ay may anim 6 porsyento interes kada taon. Ang pagbabayad nito ay magsisimula matapos ang isang taon mula sa araw na naipagkaloob ang Certificate of Land Ownership Award Registration o matapos na ang sakahan ay maukopa kung ang pagkakaloob ng nasabing sertipikasyon ay mauuna kaysa sa pag-okupa sa sakahan. Lalabas na nakasangla ang nabanggit na sakahan sa LBP at maaaring i-foreclose ito kapag hindi nakabayad ang magsasaka ng pinagsamang tatlong taong hulog. (Section 26, R.A. No. 6657, as amended)


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page