top of page
WINNER - VILMA, GAME MAKASAMA SI VICE, ‘WAG LANG GAWING KATAWA-TAWA-Vilma Santos-Recto IG

Karapatan sa ilalim ng panuntunan ng Writ of Habeas Corpus

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 19, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ang isang tao na nakadetine nang walang legal na basehan, na pinagkaitan ng kalayaan, o na ang kustodiya ay nasa ibang tao sa halip na nasa may karapatan nito, ay maaaring maghain ng petisyon sa hukuman upang hilingin ang kanyang Kalayaan o maibalik ang wastong kustodiya.  


Nakasaad sa Rule 102, Section 1 ng Rules of Court ang mga sumusunod:


“Section 1. To what habeas corpus extends. — Except as otherwise expressly provided by law, the writ of habeas corpus shall extend to all cases of illegal confinement or detention by which any person is deprived of his liberty, or by which the rightful custody of any person is withheld from the person entitled thereto.”


Ang Writ of Habeas Corpus ay ginagarantiyahan sa utos ng Konstitusyon ng Pilipinas. Pinoprotektahan ng ating Konstitusyon ang pribilehiyo ng writ at pinapayagan lamang ang pagsuspinde nito sa mga limitadong pagkakataon. Sa istruktura ng ating Konstitusyon, ang pribilehiyo ay napakahalaga na ang pagsususpinde nito ay hayagang limitado sa sitwasyon na may pagsalakay o paghihimagsik, at kapag kinakailangan lamang ito para sa kaligtasan ng publiko.


Ito ay karaniwang ginagamit upang ipagtanggol ang kalayaan laban sa hindi legal o labag sa batas na pagkakulong. Sa isang kaso (In the Matter of the Petition for Habeas Corpus, SSgt. Edgardo L. Osorio, Petitioner, vs. Assistant State Prosecutor Juan Pedro C. Navera, et.al., G.R. No. 223272, February 26, 2018), ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Honorable Senior Associate Justice Mario Victor (Marvic) F. Leonen ang Writ of Habeas Corpus bilang:


“The "great writ of liberty" of habeas corpus "was devised and exists as a speedy and effectual remedy to relieve persons from unlawful restraint, and as the best and only sufficient defense of personal freedom. Habeas corpus is an extraordinary, summary, and equitable writ, consistent with the law's "zealous regard for personal liberty. Its primary purpose "is to inquire into all manner of involuntary restraint as distinguished from voluntary, and to relieve a person therefrom if such restraint is illegal. Any restraint which will preclude freedom of action is sufficient.”


Makikita rito na ang pangunahing layunin nito ay upang alamin at pag-aralan ang uri ng pagpigil sa kalayaan ng isang tao. Kapag ito ay hindi boluntaryo o hindi kusang-loob sa isang tao, kinakailangang pawiin ang dusa ng taong ito kung ang naturang pagpigil ay labag sa batas. Sa gayong sitwasyon, ang writ ay nagsisilbing utos ng  korte na nag-aatas sa mga awtoridad o nagpipiit na dalhin ang isang tao sa korte upang ipaliwanag ang ligalidad ng pag-aresto at pagdetine. 


Sa usaping child custody, ang pinakaprayoridad ng hukuman ay ang pinakamabuting interes ng isang bata. Kahit sabihin pang boluntaryo ang pagsama ng isang bata sa ibang tao, mahalagang tingnan ng husgado ang pinakamainam para sa kapakanan ng nasabing bata bago pagpasyahan kung sino ang may karapatang magkaroon ng kustodiya sa nabanggit na bata. 


Sa kaso ng Reyes vs. Elquiero, G.R. No. 210487, September 02, 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Samuel H. Gaerlan, sinabi ng Korte Suprema na bagama't ang Writ of Habeas Corpus ay hindi dapat ilabas kung ang pagpigil ay boluntaryo, paulit-ulit na pinaninindigan na ang nasabing writ ay ang tamang ligal na remedyo upang mabawi ng mga magulang ang pangangalaga sa kanilang menor-de-edad na anak kahit na ang huli ay nasa kustodiya ng ikatlong tao sa kanyang sariling kusa. 


Dito naman, ang pagbaba ng kautusan para sa Writ of Habeas Corpus ay pinagpapasyahan, hindi sa legal na karapatan ng petitioner na mapalaya mula sa labag sa batas na pagkakakulong o detensyon, kundi sa kung ano ang nararapat para sa pinakamabuting interes ng nasabing bata. Kaya naman ang hukuman ay hindi magpapasya na ihatid ang isang bata sa kustodiya ng naghahabol o ng sinumang tao, ngunit dapat, sa pagsasaalang-alang ng mga katotohanan, iwanan ang bata sa kustodiya ng taong kinakailangan para sa kapakanan nito sa panahong iyon. Sa madaling salita, ang kapakanan ng bata ang pinakamataas na konsiderasyon. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page