top of page
SPECIAL - MASAKIT… NAAAWA AKO SA PILIPINAS – NADIA-FB Nadia Montenegro.jpg

Karapatan sa edukasyon ayon sa "Enhanced Basic Education Act of 2013″

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 2, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Isa sa mga prayoridad na programa ng ating pamahalaan ay ang pagbibigay ng maayos at de kalidad na edukasyon. Sapagkat ang edukasyon ang nagbibigay ng pagkakataon sa isang tao na magkaroon ng maayos na hanapbuhay na maaaring mag-angat sa kanyang antas ng pamumuhay. Kaugnay nito ay may tungkulin ang Estado na magtatag, magpanatili, at sumuporta ng isang kumpleto, sapat, at pinagsama-samang sistema ng edukasyon na naaangkop sa mga pangangailangan ng mga tao, bansa at sa kabuuan ng lipunan.


Para mabigyan ng katuparan ang tungkulin na ito ay idineklara sa Republic Act (R.A. No.) 10533 o ang tinatawag na "Enhanced Basic Education Act of 2013,″ ang mga patakaran ng Estado na ang bawat nagtapos ng pangunahing edukasyon ay:


  1. Nabigyan ng kakayanan sa pamamagitan ng isang programa na nakaugat sa matibay na mga prinsipyong pang-edukasyon at nakatuon sa kahusayan; 

  2. May natutunan na mga pundasyon para sa pag-aaral sa buong buhay;

  3. Nabigyan ng kakayahang magtrabaho at maging produktibo;

  4. May kakayahang makisama sa mabungang pagkakasundo sa mga lokal at pandaigdigang komunidad;

  5. Nabigyan ng kakayahang makisali sa isang malaya, malikhain, at kritikal na pag-iisip; at 

  6. Nabigyan ng kapasidad at kusang-loob na baguhin o pagbutihin ang iba at ang sarili.


Ang basic education ay inilaan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa pag-aaral na nagbibigay ng pundasyon na magiging basehan ng kasunod na pag-aaral. Sinasaklaw nito ang kindergarten, elementary at secondary education, gayundin ang mga alternatibong sistema ng pag-aaral para sa mga mag-aaral sa labas ng paaralan at sa mga may espesyal na pangangailangan.


Ang enhanced education ay hindi bababa sa isang taon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, at anim na taon sa sekondarya. Kasama sa secondary education ang apat na taon ng junior high school at dalawang taon ng senior high school.


Ang DepED ang bubuo ng disenyo at mga detalye ng pinahusay na kurikulum ng batayang edukasyon. Makikipagtulungan ito sa Commission on Higher Education (CHED) para makagawa ng magkakatugmang basic at tertiary curricula para sa worldwide competitiveness ng mga Filipino graduates. Para matiyak ang kahandaan sa kolehiyo at maiwasan ang pag-uulit ng basic education subjects, ang DepED ay makikipag-ugnayan sa CHED at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 


Upang makamit ang isang epektibo at pinahusay na kurikulum ng batayang edukasyon, ang DepED ay magsasagawa ng mga konsultasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, Department of Labor and Employment (DOLE), Professional Regulation Commission (PRC), mga asosasyon ng pribado at pampublikong paaralan, mga pambansang organisasyon ng mga mag-aaral, mga organisasyon ng guro, mga asosasyon ng mga magulang at guro, at mga samahan ng negosyante.


Upang maayos na magabayan ang mga mag-aaral sa pagpili ng mga career tracks na nais nilang tahakin, ang DepED, sa pakikipag-ugnayan sa DOLE, TESDA at CHED, ay regular na magsasagawa ng career advocacy activities para sa mga estudyante sa sekondaryang antas. Sa kabila ng mga probisyon ng Seksyon 27 ng Republic Act (R.A.) No. 9258, o kilala bilang "Guidance and Counseling Act of 2004," ang mga career and employment guidance counsellors, na hindi rehistrado at mga lisensyadong guidance counsellor, ay dapat payagang magsagawa ng mga aktibidad na magsusulong sa adbokasiya ng karera sa mga mag-aaral na nasa sekondaryang antas. Kinakailangan lamang na sila ay sumailalim sa pagsasanay na binuo o akreditado ng DepED.


1 Comment


Kiara Young
2 days ago

Napakalinaw ng pagpapaliwanag tungkol sa layunin ng Enhanced Basic Education Act of 2013. Mahalaga talagang maunawaan ng publiko na ang K–12 program ay hindi lang dagdag na taon sa pag-aaral, kundi bahagi ng mas malawak na layunin na ihanda ang mga kabataan sa kolehiyo, trabaho, at pagiging responsableng mamamayan. Maganda rin na binigyang-diin ang papel ng DepED, CHED, at TESDA sa pagtutugma ng kurikulum para maging globally competitive ang mga Pilipinong mag-aaral. Nababasa ko rin kamakailan sa https://englandderbyshire.co.uk/ ang isang artikulo tungkol sa kahalagahan ng community support sa edukasyon, at totoo na hindi lang gobyerno kundi buong komunidad ang dapat magtulungan para maging epektibo ang sistema ng edukasyon. Salamat sa malinaw na pagtalakay sa karapatan sa edukasyon at sa mga…

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page