Karapatan sa alagang hayop na nakatakas at nahuli ng ibang tao
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 19, 2021
Dear Chief Acosta,
Nakalabas sa bahay ang aking alagang pusa. Nakita ko itong dala ng anak ng aking kapitbahay. Hiningi ko ito sa aking kapitbahay, ngunit ayaw nila itong ibigay dahil nahuli at inalagaan nila ito kaya sila na diumano ang may-ari. Sino ang may tunay na karapatan sa nasabing pusa? – Jamie
Dear Jamie,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Article 716 ng New Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Article 716. The owner of a swarm of bees shall have a right to pursue them to another’s land indemnifying the possessor of the latter for the damage. If the owner has not pursued the swarm, or cease to do so within two consecutive days, the possessor of the land may occupy or retain the same. The owner of domesticated animal may also claim them within twenty days to be counted from their occupation by another person. This period having expired, they shall pertain to him who has caught and kept them.”
(Binigyang-diin)
Malinaw na nakasaad sa ating batas na pagmamay-ari pa rin ninyo ang inyong alagang pusa kung hiningi ninyo ito sa inyong kapitbahay sa loob ng 20-araw mula sa pagkakahuli nito.
Kung hindi naman, ang nasabing pusa ay pagmamay-ari na ngayon ng inyong kapitbahay na nakahuli at nag-aalaga rito.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments