Karapatan ng solo parent sa parental leave
- BULGAR

- 16 hours ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 7, 2026

Marami sa ating mga kababayan ang nag-iisang nagtataguyod sa kanilang mga anak at buong sambahayan. Sila ay ang mga tinaguriang “solo parents.” Para sa kaalaman ng lahat, ayon sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 8972, na inamyendahan ng R.A. No. 11861, ang mga sumusunod ay kabilang sa kategorya ng mga solo parents:
(a) Magulang na nagbibigay ng solong pag-aaruga sa kanyang anak o mga anak dahil sa mga sa mga sumusunod na kadahilanan:
(1) Panganganak na naging resulta ng panggagahasa, kahit na wala pang pinal na conviction, kapag ang bata ay nasa solong pangangalaga ng kanyang ina.
(2) Pagkamatay ng asawa (death of the spouse);
(3) Pagkakulong ng asawa ng di-bababa sa tatlong (3) buwan o pagsisilbi ng kanyang sentesya para sa isang krimen;
(4) Pagkakaroon ng kapansanang pisikal o mental ng asawa na pinapatunayan ng isang public o private medical practitioner;
(5) Paghihiwalay ng di-bababa sa anim (6) na buwan at ang solo parent ang siyang solong nangangalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;
(6) Deklarasyon ng humukan na walang bisa ang kasal o nagkaroon ng annulment of marriage, at naiwan sa solo parent ang solong pangangalaga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak; o
(7) Pag-abandona ng asawa ng di-bababa sa anim (6) na buwan;
(b) Asawa ng isang overseas Filipino worker (OFW), o tagapangalaga ng anak ng isang OFW, kung ang nasabing OFW ay kabahagi sa low/semi-skilled worker category at wala sa Pilipinas sa loob ng deretsong labindalawang (12) buwan. Kinakailangan lamang na ang nasabing OFW o ang kanyang asawa o tagapangalaga ng anak ay pasok sa mga panuntunan ng seksyong ito;
(c) Hindi kasal na nanay o tatay na nag-aalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;
(d) Sinumang legal guardian, adoptive o foster parent na siyang solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa isang bata o mga bata;
(e) Sinumang kamag-anak sa loob ng fourth (4th) civil degree of consanguinity o affinity ng magulang o legal guardian na nagsisilbing tagapangalaga at tagasuporta ng isang bata dahil sa pagkamatay, pag-abandona, pagkawala o absensya ng mga magulang sa anim (6) na buwan o higit pa. Sa kaso ng mga solo grandparents na nabibilang sa kategoryang senior citizens subalit mayroong sole parental care at support sa kanyang mga apong walang asawa at trabaho na may edad na bente-dos (22) o mas bata pa, o higit sa edad na bente-dos (22) subalit hindi kayang pangalagaan ang kaniyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, kalupitan, diskriminasyon, o pagsasamantala dahil sa kanilang kapansanang pisikal o mental, ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng R.A. No. 8972 ay dagdag pa sa mga karapatan at benepisyong ipinagkakaloob ng R.A. No. 9257, o “Expanded Senior Citizens Act of 2003”;
(f) Buntis na babae na solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa hindi pa naisisilang na anak o mga anak.”
May iba't ibang dahilan kung bakit ang isang magulang ay nag-iisang gumaganap ng kanyang tungkulin sa pag-aaruga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak. Maraming rason kung bakit ito ay nangyayari, katulad ng mga nabanggit sa batas. Subalit anuman ang kadahilanang nangyari ito, ipinababatid ng Estado na binibigyan nito ng kaukulang kalinga ang mga nasabing solo parents.
Isa rito ay ang pagbibigay sa kanila ng tinatawag na “parental leave” sa ilalim ng batas. Sa ating batas, ang mga manggagawa na nasa kategorya ng solo parents ay may karapatang mabigyan ng pitong (7) araw na parental leave benefits. Ito ay bukod pa sa iba pang leave benefits na ipinagkakaloob sa karaniwang empleyado. Kinakailangan lamang na nasa serbisyo na ang nasabing solo parents sa loob ng anim (6) na buwan. Ito ay sang-ayon sa Seksyon 8 ng parehong batas kung saan nakasaad na:
“Section 8. Parental Leave. - In addition to leave privileges under existing laws, a forfeitable and noncumulative parental leave of not more than seven (7) working days with pay every year shall be granted to any solo parent employee, regardless of employment status, who has rendered service of at least six (6) months: Provided, That the parental leave benefit may be availed of by the solo parent employees in the government and the private sector.”
Ang benepisyong ito, kapag hindi nagamit, ay hindi maaaring idagdag sa leave credits ng nabanggit na empleyado.





Comments