Karapatan ng mga may utang sa credit card laban sa hindi makatarungang paniningil
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 10, 2021
Bilang nagpapautang, ang mga credit card companies ay mayroong karapatan na maningil sa mga nangutang gamit ang credit card na kanilang ipinagkaloob sa mga kliyente. Mayroon din silang karapatang ibigay ang paniningil sa mga collection companies para maningil ng kanilang mga pautang kapag ang nasabing pagkakautang ay kinakailangan nang mabayaran. Ito ay sa mga pagkakataong ang obligasyon ng nangutang na magbayad ay umabot na sa takdang araw at hindi pa rin ito nakababayad ng kanyang pagkakautang. Subalit ang karapatang maningil na ito ng mga credit card companies ay hindi dapat maging dahilan para guluhin ang buhay ng nangutang.
May mga paraan na maayos upang makapaningil ng pautang ang mga credit card companies. Ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng mga hindi makatarungang paniningil tulad na lamang ng paggamit ng mga mapang-insultong salita.
Mayroong regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan binigyan ng klasipikasyon bilang unfair collection practices ang mga sumusunod na gawain:
(a) Use or threat of violence or other criminal means to harm a person, his reputation or property;
b) Use of obscenities, insults, or profane language which amount to a criminal act or offense;
(c) Disclosure of the names of credit cardholders who allegedly refuse to pay debts, unless authorized by law;
(d) Threat to take any action that cannot legally be taken;
e) Purposely communicating or threatening to communicate false credit information;
(f) Any false representation or deceptive means to collect any debt or to obtain information concerning a cardholder; and
(g) Making contact at unreasonable/inconvenient hours before 6:00 A.M. or after 10:00 P.M., unless the account is past due for more than sixty (60) days, it is with express permission, or said times are the only reasonable or convenient opportunities for contact (Subsecs. 4301N.14, Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institution as amended by Circular No. 454, s. 2004, issued 9-24-2004).
Sa mga nakasaad sa itaas ay makikita natin na kahit na ang taong mayroong pagkakautang ay marapat din namang mabigyan ng kaukulang respeto sa pagkakataong siya ay sisingilin na sa kanyang obligasyon. Kapag mayroong paglabag sa mga nabanggit na regulasyon ay maaaring dumulog ang may pagkakautang sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa kaukulang tulong.
Subalit kahit na mayroong ganitong uri ng panuntunan ang Bangko Sentral, marapat isipin ng nangungutang na siya ay mayroon din namang obligasyon na bayaran ang kanyang pagkakautang. Kung mayroong dahilan at hindi niya mabayaran ito ay maaari siyang makipag-ugnayan sa institusyon na kanyang pinagkakautangan at makipag-usap kung papaano niya mababayaran ang kanyang pagkakautang sa paraang kakayanin nito.





Comments