Karapatan ng mga kustomer ng mga restaurant at fast food chain
- BULGAR
- Aug 18, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2024

Bahagi na ng buhay ng pamilyang Pilipino ang mamasyal kasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Kabilang sa pamamasyal ang pagkain nila sa iba’t ibang mga restaurant o sa mga fast food chains. Ang pagkain sa mga restaurant ay nagiging isa sa mga bonding moments ng mag-anak lalo na sa pagtatapos ng isang linggong pagtatrabaho ng mga magulang. Hinihintay ito ng mga bata sapagkat masaya sila kapag sila ay kumakain sa mga fast food chain. Sa mga shopping malls sa ating bansa, karaniwang makikita ang mga restaurant at fast food chains bilang bahagi ng kanilang mga stalls.
Ang pagkagiliw ng mga Pinoy sa mga pagkain ay likas at hindi maipagkakaila. Kahit saan ka tumingin ay makikita mo na may kumakain sa mga karinderya, fast food chains at mga restaurant na madadaanan. May mga magasin at pahayagan din na naglilimbag ng iba’t ibang lugar kung saan maaaring pumunta ang mga tao para makakain at matikman ang iba’t ibang klase ng mga pagkaing Pilipino. Marami ring mga anunsyo at patalastas sa social media ukol sa mga lugar kung saan maaaring makakain ng mga masasarap na pagkain. Sa kabila ng pagkahilig ng mga Pilipino sa pagkain, mahalaga na malaman natin kung ano ang ating mga tungkulin at karapatan kapag kumakain sa mga nasabing establisimyento upang mapangalagaan ang ating mga sarili lalo na ngayong maraming uri ng mga sakit ang naglalabasan na maaaring makuha sa mga maling pagkain.
Dahil sa ang pagkain na inihahain sa mga restaurant ay binabayaran naman, karapatan ng bawat kumakain dito na mabigyan ng pagkaing malasa, presko at malinis. May karapatan din ang bawat kumakain sa mga nasabing establisimyento laban sa panis, nakakalason o peligrosong pagkain na maaaring sumira sa kalusugan ng mga ito. Kung ang fast food chain o restaurant ay nagsilbi ng pagkaing peligroso sa kalusugan ng isang kustomer nito, ito ay dapat na managot sa nasabing kustomer para sa mga pinsalang matatamo ng huli dahil sa kapabayaan ng nasabing establisimyento. Sang-ayon sa batas, ang may-ari ng mga naturang negosyo ay maaaring managot sa anumang kapinsalaan na matatamo ng isang kustomer dahilan sa kapabayaan ng kanilang empleyado habang nagtatrabaho o nagsisilbi sa kanilang establisimyento.
Inaasahan na ang mga restaurant, fast food chains o alinmang kainan ay magsisilbi ng malinis na pagkain. Maging ang mga kagamitan nito katulad ng mga kutsara, tinidor, baso at iba pang uri ng kagamitan sa pagkain ay dapat na mapanatiling malinis sa lahat ng oras at pagkakataon. Ang mga nagluluto at nagsisilbi ng pagkain ay marapat na malinis, at palagiang nakasuot ng mga hair nets para walang mahulog na buhok sa mga iniluluto at isinisilbing pagkain.
Sinumang mapatunayang lumabag sa mga nasabing alituntunin ay may karampatang responsibilidad at pananagutan sa anumang naging pinsala sa kanilang kustomer. Bukod pa rito ang karapatan ng napinsalang kustomer na maghain ng kanyang reklamo sa kaukulang ahensya ng gobyerno para sa paglabag sa probisyon ng Republic Act (R.A.) No. R.A. 7394 (Consumer Act of the Philippines).
Sa mga senior citizens na kumakain sa mga restaurant at fast food chains, sila ay may karapatang mabigyan ng 20% diskuwento sa kanilang mga kinakain. Ito ay base sa batas patungkol sa mga senior citizens ng ating bansa. Kinakailangan lamang na maipakita nila ang kanilang identification cards sa mga kahera ng nasabing restaurant o fast food chain para mabigyan ng karampatang diskuwento.




Comments