Karapatan ng mga kabataan na mabigyan ng proteksyon bago, habang at pagkatapos ng kalamidad
- BULGAR
- Aug 4, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 4, 2024

Panahon na naman ng mga pag-ulan at bagyo. Nakararanas na uli ang ating pamayanan ng banta ng malalakas na pag-ulan at pagbaha, lalo pa nga’t nangangamba na naman tayo sa pagdating ng La Niña.
Isa sa mga apektado ng kalamidad ay ang ating mga kabataan. Kaya naman ang ating pamahalaan ay nagtalaga ng batas na magbibigay ng gabay sa lahat upang mapangalagaan ang mga bata sa panahon ng kalamidad.
Ang Republic Act (R.A.) No. 10821, na kilala sa maikling titulo bilang “Children’s Emergency Relief and Protection Act”, ay isinabatas ng ating Estado upang mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan sa panganib na dulot ng mga kalamidad at iba pang mga sitwasyon na sinasagupa ng ating bansa na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanilang buhay.
Ayon sa nabanggit na batas, ang mga kabataang sakop nito ay iyong mga may edad na 17 at pababa, at ‘yung mga itinuturing na hindi kayang pangalagaan ang kanilang mga sarili dahil sa kanilang pisikal na kapansanan o kakulangan sa pag-iisip.
Nakapaloob sa Section 2 ng naturang batas ang polisiya na magtatag at magpatupad ang Estado ng isang komprehensibo at estratehikong programa ng pagkilos upang mabigyan ang mga bata, at mga buntis at nagpapasusong ina na apektado ng mga sakuna at iba pang mga sitwasyong “emergency” ng lubos na suporta at tulong na kinakailangan para sa kanilang agarang pagbawi at proteksyon laban sa lahat ng uri ng karahasan, kalupitan, diskriminasyon, kapabayaan, pang-aabuso, pagsasamantala at iba pang mga gawaing nakapipinsala sa kanilang interes, kaligtasan, pag-unlad, at kagalingan.
Ang naatasang ahensya para sa implementasyon ng mga probisyon ng batas na ito ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang DSWD ang siyang gagawa o magbabalangkas ng Comprehensive Emergency Program para sa mga nabanggit na kabataan at maaari itong makipag-ugnayan sa ibang ahensya ng pamahalaan para sa implementasyon ng mga programang isasagawa. Ang mga lokal na pamahalaan ay inaatasan din na isama nila ang programang ito sa kani-kanilang local disaster risk reduction and management (LDRRM) plans at budget.
Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan na maglagak ng mga emergency evacuation centers at maghatid ng mga basic necessities o pangunahing pangangailangan sa mga batang ito at sa kanilang mga pamilya, ayon sa limitasyon na isinasaad ng batas. Ang mga pangangailangan na ito ay pagkain, tubig, gamot, damit, at iba pang mga pangangailangan katulad ng kumot at kulambo. Bibigyang prayoridad ng programa ang mga pangangailangan ng mga buntis, nagpapasusong ina at mga batang may edad lima at pababa, at mga batang mayroong espesyal na pangangailangan.
Kapag naideklara na ang national o local state of calamity, ang Philippine National Police (PNP), sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) operating units sa lugar at maging ng mga local councils laban sa trafficking at violence sa mga kababaihan at ng kanilang mga anak, ay magtatalaga ng pinaigting at komprehensibong pamamaraan at monitoring para maiwasan ang child trafficking, labor, at prostitution, pati ang domestic at sexual violence, sa lugar kung saan naideklarang nasa ilalim ng state of calamity. Ang perang kakailanganin para sa programang ito ay isasama sa taunang budget na itatalaga sa yearly General Appropriations Act.





Comments