Karapatan ng mga biktima sa krimen at karahasan
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 23, 2026

Sa gitna ng kaguluhan sa Gitnang Silangan at ng mabigat na epekto nito sa ekonomiya, laman din ng mga pahayagan at mga balita sa telebisyon man o sa radyo ang mga nangyayaring nakawan, holdapan, patayan, pang-aabuso at iba pang uri ng paglapastangan sa mga karapatan ng bawat mamamayan sa alinmang antas ng lipunan na kanilang kinabibilangan.
Parang wala ng lugar na mapuntahan ang mga tao na sila ay ligtas sa mga panganib ng nakawan, patayan, at iba pang kaguluhan. Kamakailan lamang ay isang rider ang pinatay ng kanyang sariling pasahero. Nakalulungkot lang na ang kanyang pinagsisikapang trabaho ang naging dahilan din ng kanyang wala sa panahong kamatayan. Ang mga pangyayaring ito, marahil ay dala rin ng nararanasang hirap sa kawalan ng trabaho ng iba nating mga kababayan. Subalit hindi dahilan ang nararanasang kahirapan ng isang tao upang siya ay gumawa ng aktong labag sa batas dahil mahirap rin para sa kanyang biktima ang malapastangan ang kanyang karapatan.
Ang isang biktima ng krimen ay tumutukoy sa isang tao o mga taong nakaranas ng pinsala, kabilang ang pisikal o mental na pinsala, emosyonal na pagdurusa, pagkalugi sa ekonomiya o malaking pinsala sa kanilang mga pangunahing karapatan, sa pamamagitan ng mga kilos o pagkukulang na lumalabag sa mga batas kriminal na ipinapatupad. Ang mga biktimang ito ay marapat na bigyan ng pansin ng Estado at bigyan ng angkop na proteksyon.
Ang bawat biktima ng kalapatastanganan ay sumisigaw ng katarungan sa kaibuturan ng kanilang mga puso at isipan dahil sa pagkawala ng kanilang mga pag-aari at mahal sa buhay ay tunay na nagiging sanhi ng ibayong sakit sa kanilang kalooban. Kapag ang isang tao ay nawalan ng isang bagay na kanyang pinaghirapan, lubos niya itong pinaghihinayangan. Nanaisin nito na mabawi ang bagay na ito mula sa taong kumuha. Kapag buhay naman ang nawala, pipilitin nitong pagbayarin ang taong responsable sa pagkitil nito. Kapag ang dangal naman ang niyurakan ay nanaisin ng biktima na makita na naghihirap din ang taong gumawa nito sa kanya. Bawat biktima ng krimen ay sumisigaw ng katarungan at hustisya.
Ito ay isang normal na reaksyon ng bawat tao na inagawan ng isang bagay na mahalaga sa kanyang buhay, buhay man ito ng mahal niya sa buhay o simpleng pagmamay-ari. Ito ay kinikilala ng batas alinsunod na rin sa matandang kasabihan na tinaguriang “Golden Rule”, “Huwag mong gawin sa iyong kapwa ang ayaw mong gawin din sa iyo.”
Ang mga biktima ay dapat tratuhin nang may habag at paggalang sa kanilang dignidad. May karapatan silang mabigyan ng access sa mga mekanismo ng hustisya at makakuha ng agarang lunas, alinsunod sa mga batas ng bansa para sa pinsalang kanilang naranasan.
Sa prosekusyon ng isang krimen, ang biktima ay tinataguriang testig ng nagrereklamo at siya ang isa sa mga magpapatunay ng krimeng nangyari. Kung siya ay may sariling abogado, pangunahing tagapagtanggol pa rin nito bukod sa kanyang abogado ay ang public prosecutor o piskal na nakatalaga sa paglilitis ng kanyang kaso. Sa kawalan ng sarili niyang abogado, ang biktima ay maaaring lumapit sa public prosecutor.
Karapatan ng isang biktima na patunayan ang krimen na nagawa laban sa kanya sa pamamagitan ng mga ebidensya. Katulad ng ibang testigo sa isang krimen, ang biktima, bilang testigo, ay may mga karapatang dapat na marespeto katulad ng mga sumusunod:
Maprotektahan laban sa mga nakaka-insultong pagtatanong at marahas na pag-uugali;
Karapatang magpahayag ng kanyang testimonya nang hindi mas mahaba sa hinihingi ng hustisya;
Karapatang matanong lamang ng mga bagay na may kinalaman sa kaso at isyu;
Karapatang tumangging magbigay ng sagot na maaaring magpababa ng kanyang reputasyon, maliban lamang kung ang nasabing paksa ay mahalaga sa pinag-uusapan; at
Karapatang tumangging sumagot ng tanong na maaaring maging sanhi ng pagsasampa ng kaso sa kanya maliban lamang kung ito ay ipinag-uutos ng batas.





Comments