top of page

Karapatan ng mga anak sa petition for annulment of marriage ng mga magulang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 1, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Ayon sa A.M. No. 02-11-12-SC (Rule on Provisional Orders), na inilabas ng Korte Suprema noong ika-4 ng Marso 2003, maaaring mag-isyu ang hukuman na dumidinig ng kasong petition for declaration of nullity, annulment of marriage, o legal separation ng provisional order at protection order. Ang mga kautusang ito ay maaaring ipalabas ng hukuman upang maprotektahan ang mga kapakanan ng mga taong sangkot dito, lalo na ang mga anak.


Karaniwang sakop ng provisional order ang suporta at kustodiya ng mga anak. Ayon sa Section 3 ng nabanggit na Rule on Provisional Orders, ang suporta para sa mga anak ay manggagaling mula sa absolute community o conjugal properties. Maaari ring ipag-utos ng husgado na alinman sa mga magulang ay magbigay ng suporta batay sa mga sumusunod na pamantayan:


“In determining the amount of provisional support, the court may likewise consider the following factors: (1) the financial resources of the custodial and non-custodial parent and those of the child; (2) the physical and emotional health of the child and his or her special needs and aptitudes; (3) the standard of living the child has been accustomed to; (4) the non-monetary contributions that the parents will make toward the care and well-being of the child, 


The Family Court may direct the deduction of the provisional support from the salary of the parent.”


Kinakailangan lamang na ang bawat kautusan ng husgado ukol sa halaga ng suporta na dapat ibigay ay sang-ayon sa pinansyal na kapasidad ng magulang na naatasang magbigay nito.


Maliban sa kautusan tungkol sa suporta, maaari ring ipag-utos ng husgado kung kanino sa mag-asawang sangkot sa kaso ibibigay ang kustodiya ng kanilang mga anak. Sa anumang kautusan ng husgado na may kinalaman sa kustodiya, ang pinakamainam at pinakamabuting interes ng bata (best interest of the child) ang dapat na isaalang-alang.Sa kautusan para sa kustodiya ng bata, ang mga sumusunod na pamantayan ay marapat na maging batayan ng husgado upang mabigyan ng proteksiyon ang interes ng bata:

  1.  Ang kasunduan ng mga partido; 

  2.  Ang pagnanais at kakayahan ng bawat magulang na itaguyod ang isang bukas at mapagmahal na relasyon sa pagitan ng anak at ng kanyang isang magulang; 

  3.  Kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng bata; 

  4.  Anumang kasaysayan ng pang-aabuso sa bata o sa asawa ng taong nanghihingi ng kustodiya, o pagkaroon ng anumang relasyon sa bata, kabilang ang sinumang nanliligaw sa magulang ng bata; 

  5.  Ang natural at dalas ng pakikipag-ugnayan sa parehong mga magulang; 

  6.  Nakagawiang pag-inom ng alak o paggamit ng mga controlled substances

  7.  Maling pag-uugali ng mag-asawa; 

  8.  Ang pinakaangkop na pisikal, emosyonal, ispirituwal, sikolohikal at pang-edukasyon na kapaligiran; at

  9.  Ang kagustuhan ng bata, kung higit sa pitong taong gulang at may sapat na pag-unawa, maliban kung ang magulang na pinili ay hindi karapat-dapat.


Ang pansamantalang kustodiya ng bata ay maaaring ibigay sa parehong magulang o kanino man sa kanilang dalawa.  Sa pagpili ng hukuman kung kanino ibibigay ang kustodiya ng bata, makakatulong ang mga sumusunod na batayan:


“The court may award provisional custody in the following order of preference: (1) to both parents jointly; (2) to either parent taking into account all relevant considerations under the foregoing paragraph, especially the choice of the child over seven years of age, unless the parent chosen is unfit; (3) to the surviving grandparent, or if there are several of them, to the grandparent chosen by the child over seven years of age and of sufficient discernment, unless the grandparent is unfit or disqualified; (4) to the eldest brother or sister over twenty-one years of age, unless he or she is unfit or disqualified; (5) to the child’s actual custodian over twenty-one years of age, unless unfit or disqualified; or (6) to any other person deemed by the court suitable to provide proper care and guidance for the child.”


Ang magulang na hindi nabigyan ng kustodiya ay may karapatang bumisita sa mga anak, maliban lamang kung siya ay napatunayang hindi karapat-dapat. Subalit ang nasabing anak ay hindi maaaring ilabas ng bansa, nang walang pahintulot ang husgado, habang dinidinig ang mga nabanggit na petisyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page