Karapatan ng mag-live-in sa mga ari-ariang kanilang naipundar
- BULGAR
- Nov 28, 2021
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 28, 2021
Minsan ang babae at lalaki ay nagsasama bilang mag-asawa kahit hindi sila kasal. May kani-kanya silang dahilan kaya hindi sila pumapasok sa matrimonya ng kasal. Maaari rin namang hindi sila pinapayagang magpakasal dahil mayroon itong balakid.
Sa alinmang sitwasyon, ang batas ay naglaan ng mga alituntunin na dapat din nilang sundin.
Nagtalaga rin ang batas ng kanilang mga karapatan upang maprotektahan ang kanilang kalagayan pati ang mga magiging bunga ng nasabing pagsasama. Bagama’t hindi ito maluwag na tinatanggap sa lipunan, ang batas ng tao ay nagtalaga ng kanilang mga karapatan.
Maliwanag na isinasaad sa batas, partikular ng Article 147 ng Family Code ang mga sumusunod:
“Article 147. When a man and a woman who are capacitated to marry each other, live exclusively with each other as husband and wife without the benefit of marriage or under a void marriage, their wages and salaries shall be owned by them in equal shares and the property acquired by both of them through their work or industry shall be governed by the rules on co-ownership.”
Sa pagsusuri ng nabanggit na batas, makikita natin na kung ang lalaki o babae na mayroong kapasidad para magpakasal ay magsasama sa iisang bubong bilang mag-asawa nang walang kasal o kaya naman ang kanilang kasal ay walang bisa (void), ang kanilang sahod o suweldo ay pag-aari nila nang pantay. Lahat ng ari-ariang kanilang makukuha sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap, industriya o trabaho ay pamamahalaan ng mga alituntunin ng co-ownership. Ipinagpapalagay ng batas na pantay ang kontribusyon ng bawat panig sa nasabing ari-arian.
Ang mga ari-ariang nabili o nakuha ng mga ito habang sila ay nagsasama, sa kawalan ng pruwebang kontra rito ay ipinagpapalagay na nakuha sa pamamagitan ng kanilang pinagsamang pagsisikap, trabaho o industriya at ang mga ito ay pag-aari nila ng pantay. Sinuman sa dalawa ang hindi nakapagbigay ng kontribusyon sa pagbili ng nasabing ari-arian ay ipinagpapalagay na kasamang nag-ambag kahit pa sabihing siya ay nasa bahay lamang para pangalagaan ang tahanan at ang pamilya. Sa kaso na Ocampo versus Ocampo (G.R. No. 190908, August 3, 2015), na isinulat ni Honorable former Chief Justice Diosdado M. Peralta, sinabi ng Korte Suprema na:
“From the foregoing, property acquired by both spouses through their work and industry should, therefore, be governed by the rules on equal co-ownership. Any property acquired during the union is prima facie presumed to have been obtained through their joint efforts. A party who did not participate in the acquisition of the property shall be considered as having contributed to the same jointly if said party’s efforts consisted in the care and maintenance of the family household. Efforts in the care and maintenance of the family and household are regarded as contributions to the acquisition of common property by one who has no salary or income or work or industry.”
Sa ganitong uri ng pagsasama, walang sinuman sa mga panig ang puwedeng magbenta o magsanla ng alinman sa mga pag-aari nilang kumon habang sila ay nagsasama na walang pahintulot ang bawat isa sa kanila. Ang pagbabawal ay mananatili hanggang sa mawakasan ang kanilang pagsasama.
Kapag ang kasal ay walang bisa at isa sa mga partido ay in “bad faith” at ang isa naman ay “in good faith” ang hati ng partidong “in bad faith” sa pag-aaring kumon ay mapupunta sa kanilang common children. Kapag wala naman silang anak ay mapupunta ito sa mga iba pang descendants ng nasabing partido. Sa kawalan ng mga ito, mapupunta ang nasabing parte sa inosenteng partido.
Kung ang pagsasama naman ay iba sa mga nabanggit sa itaas, tanging ang mga ari-ariang nakuha ng mga partido sa kanilang aktuwal na kontribusyon ng pera, trabaho o industriya ang maituturing na pag-aari nilang dalawa. Ito ay ayon sa proporsiyon ng kanilang aktuwal na kontribusyon. Subalit sa sitwasyon na ang isa sa mga partido sa ganitong uri ng pagsasama ay may balidong kasal sa ibang tao, ang kanyang hati sa co-ownership ay mapupunta sa absolute community property or conjugal property ng balidong kasal nito.




Comments