top of page

Karapatan ng kababaihan sa pantay na pagtrato at oportunidad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 15, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Bilang paggunita sa Buwan ng mga Kababaihan ngayong buwan ng Marso, ating balikan at pagnilayang muli ang mga tuntunin at batas na naglalayon na magbigay ng proteksyon sa mga Pilipinong kababaihan.


Noong August 14, 2009, nilagdaan ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act (R.A.) No. 9710 (The Magna Carta for Women) na naging konsolidasyon ng Senate Bill No. 2396 at House Bill No. 4273. Layunin ng batas na ito na palakasin at pag-ibayuhin ang mga karapatan ng mga kababaihan na nakapaloob sa iba’t ibang batas na ginawa para sa kanila. Pinalawak din nito ang pantay na pagtrato sa kababaihan at kalalakihan pagdating sa lahat ng oportunidad, maging sa Civil Service, sa military at sa larangan ng palakasan. 


Bukod sa mga karapatang nakapaloob sa Konstitusyon at sa R.A. No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) at sa iba pang mga batas na ginawa para protektahan ang mga kababaihan, maging sa Labor Code of the Philippines, binibigyan din ng naturang batas ang mga kababaihan ng proteksyon at seguridad sa mga panahon ng kalamidad at iba pang uri ng trahedya lalo na sa aspeto ng pagbibigay ng tulong para sa kanilang pag-ahon mula sa mga nasabing kalamidad at trahedya. Magbibigay ang pamahalaan ng agarang pagtulong para sa alokasyon ng resettlement kung kinakailangan. Kaugnay nito ay ang pagbibigay-pansin ng pamahalan na tiyakin ang kaligtasan ng mga kababaihan laban sa sexual exploitation at iba pang uri ng sexual violence sa panahon ng mga nasabing kalamidad o trahedya.


Sa lahat ng pagkakataon, ang pamahalaan ay marapat na magbigay ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan na sapat at tumutugon sa pangangailangan ng mga kababaihan. Saklaw nito ang lahat ng yugto ng buhay ng isang babae at pagbibigay-pansin sa mga sanhi ng maagang pagkamatay ng mga kababaihan. Kaugnay pa rin sa pangkalusugan, ang isang babaeng empleyado na nakapagtrabaho nang may anim na buwan para sa huling 12 buwan ay binibigyan ng special leave benefit na 2 buwan na may suweldo base sa kanyang gross monthly compensation pagkatapos ng kanyang operasyon na may kinalaman sa gynecological disorders. 


Ang lokal na pamahalaan ay inaatasan na magtalaga ng kaukulang serbisyo at tulong na kinakailangan para sa mga “women in especially difficult circumstances” (WEDC). Ang mga kababaihang ito ay ang mga biktima o mga nakaligtas sa pang-aabusong pisikal o sekswal. Kasali rin dito ang mga biktima ng illegal recruitment, prostitusyon, trafficking o armed conflict, at ng mga babaeng nakadetine at mga biktima ng rape o ng parehong sirkumstansiya kung saan naapektuhan ang kanilang kakayanang maging produktibong mamamayan. Ang mga serbisyong ito ay maaaring temporary o protective custody, medical and dental services, psychological evaluation, counseling, psychiatric evaluation, legal services, productivity skills capability building, livelihood assistance, job placement, financial o transportation assistance. 


Ang sinuman (pribado man ito o publiko) na gumawa ng isang bagay na magdudulot ng diskriminasyon laban sa isang babae ay may katumbas na kaparusahan ayon sa Seksyon 41 ng Republic Act No. 9710. 


Sa atin namang mga embahada sa ibang bansa, ang isang opisyal na nagkaroon ng pagsasanay sa Gender and Development (GAD) ay itatalaga bilang Gender Focal Point Officer. Ang nasabing opisyal ay ang pangunahing responsable sa paghawak ng mga alalahanin sa kasarian ng mga kababaihang migranteng manggagawa. Ang mga kalakip na ahensya ay dapat makipagtulungan sa pagpapalakas ng mga programa ng mga foreign post ng Pilipinas para sa paghahatid ng mga serbisyo sa mga kababaihang migranteng manggagawa.


Tungkulin din ng Estado na bigyan ng proteksyon ang mga nakatatandang kababaihan mula sa kapabayaan, pag-abandona, karahasan sa tahanan, pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon. Para sa layuning ito, dapat tiyakin ng Estado ang mga espesyal na mekanismo ng proteksyon at mga serbisyo ng suporta laban sa karahasan, sekswal na pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon sa matatandang kababaihan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page