top of page
BULGARY - VINCENT CO, TODO-IWAS SA MEDIA-FB Caesar Vallejos.jpeg

Karapatan ng kababaihan at anak laban sa pang-aabuso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7h
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 17, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004), idineklara ng Estado ang polisiya na magbigay ng proteksyon sa mga kababaihan at sa kanilang mga anak laban sa anumang uri ng pang-aabuso mula sa taong inaasahang mangangalaga sa kanila, tulad ng kanilang padre de pamilya. Ang batas na ito ay ginawa upang upang igalang at pangalagaan ang dignidad ng mga kababaihan at mga bata. Ginagarantiyahan din nito ang buong paggalang sa kanilang mga karapatang pantao. 


Sa layuning ito, dapat gawin ng Estado ang lahat ng pagsisikap upang tugunan ang karahasan na ginawa laban sa kababaihan at kanilang mga anak, alinsunod sa mga pangunahing kalayaang ginagarantiya ng Saligang Batas at ng mga probisyon ng Universal Declaration of Human Rights o ang Pangkalahatang Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao.


Sa kasong pinamagatang Garcia vs. Drilon, G.R. No. 179267, June 25, 2013 na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe, sinabi ng Korte Suprema na ang batas na ito ay hindi “anti-male” o kontra sa mga kalalakihan. Ito ay isinagawa para itama ang diskriminasyon at hindi para bigyan ng kiling ang mga kababaihan laban sa mga kalalakihan. Sa pagtalakay ng hukuman sa pakay ng batas, sinabi ng huli na:


“The enactment of R.A. 9262 aims to address the discrimination brought about by biases and prejudices against women. As emphasized by the CEDAW Committee on the Elimination of Discrimination against Women, addressing or correcting discrimination through specific measures focused on women does not discriminate against men.. Petitioner's contention, therefore, that R.A. 9262 is discriminatory and that it is an “anti-male,” “husband-bashing,” and “hate-men” law deserves scant consideration. As a State Party to the CEDAW, the Philippines bound itself to take all appropriate measures “to modify the social and cultural patterns of conduct of men and women, with a view to achieving the elimination of prejudices and customary and all other practices which are based on the idea of the inferiority or the superiority of either of the sexes or on stereotyped roles for men and women.” Justice Puno correctly pointed out that “(t)he paradigm shift changing the character of domestic violence from a private affair to a public offense will require the development of a distinct mindset on the part of the police, the prosecution and the judges.”


Ang sinumang nananakit ng kanyang mga karelasyon, asawa, o kinakasamang babae, anuman ang kasarian ng nanakit, ay maaaring maparusahan ayon sa probisyon ng R.A. No. 9262. Pinaparusahan ng batas na ito ang pang-aabuso sa isang babae maging ito man ay pisikal, sekswal, ekonomikal o sikolohikal. Maaaring makulong ang susuway sa batas na ito. 


Maging, ang pagtanggi ng isang lalaki na bigyan ng suporta ang kanyang asawang babae ay maaaring maging krimen kapag napatunayang ang kanyang pagtanggi ay upang pahirapan o pasakitan ito o ang kanilang mga anak.  Subalit ang pagbibigay ng suporta ay nakabatay rin naman sa kakayahang magbigay ng suporta ng isang lalaki. Hindi rin maaaring hingan ito ng mas higit sa kanyang kayang ibigay ayon sa kanyang kita.


Tunay nga na ang kahulugan ng pagsasama sa hirap at ginhawa ng mag-asawa ay napakalawak kung ating susuriin. Marami na sa ating mga kababaihan ang nagtatrabaho katuwang ng kanilang mga asawa. Sana lamang ay hindi ito maging ugat ng lalong pang-aabuso sa kanila.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page