Karapatan ng empleyado na miyembro ng labor union
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 15, 2026

Ang ating Saligang Batas ay nagbibigay ng garantiya sa karapatan ng mga empleyado na magtatag at sumapi sa mga organisasyon para mapangalagaan ang kanilang mga pansariling interes. Kaugnay nito, ang mga miyembro ng isang unyon ay may kaakibat na mga responsibilidad at karapatan.
Ang isang unyon ay itinatatag bilang isang instrumento para ang mga empleyado ay mabigyan ng boses sa kanilang mga pinaglilingkurang opisina o ahensiya. Sa ganitong klaseng organisasyon, ang kabuuang miyembro nito ang tunay na nagpapatakbo ng unyon, at hindi lamang ang mga opisyales na itinalaga.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karapatang ipinagkakaloob ng batas sa mga miyembro ng isang labor organization (Article 241, Labor Code of the Philippines, renumbered as Article 250 as per DOLE Advisory No. 1, Series of 2015, {Renumbering of the Labor Code of the Philippines, As Amended}):
Karapatang hindi magbayad ng sobra o di-makatwirang bayad para sa pagpapanimula ng isang lehitimong organisasyon ng manggagawa, maging ang pagpataw ng labis at di-makatwirang multa;
Ang mga miyembro ay may karapatang mahatiran ng buo at detalyadong ulat mula sa mga opisyales at kinatawan ng unyon ukol sa lahat ng pinansyal na transaksyon na nakatala sa konstitusyon at by-laws ng unyon;
Ang mga miyembro ay may karapatang pagbotohan ang pagpili ng kanilang mga lokal na opisyales at kinatawan, maging ng mga opisyales sa pederasyon kung saan nakaanib ang kanilang lokal na unyon;
Ang mga miyembro ay binibigyan ng karapatan para tiyakin sa pamamagitan ng sekretong balota, pagkatapos ng masusing deliberasyon, ang anumang tanong tungkol sa polisiya na makakaapekto sa kabuuan ng organisasyon, maliban lamang kung ayon sa uri ng organisasyon o dahil sa di-maiwasang dahilan, ang sekretong balota ay hindi praktikal. Sa ganitong pagkakataon, ang nasabing polisiya ay pagpapasiyahan ng board of directors ng nasabing organisasyon para sa pangkalahatang miyembro;
May karapatan ang bawat opisyal o miyembro ng organisasyon na inspeksiyunin ang libro ng organisasyon sa anumang oras na mayroon pang opisina;
Walang espesyal o di-pangkaraniwang kabayaran ang maaaring ipataw sa isang miyembro ng organisasyon ng manggagawa, maliban lamang kung ito ay binigyan ng nakasulat na otorisasyon ng mayorya ng kabuuang miyembro ng nasabing organisasyon na nagpulong para sa ganoong kadahilanan.
Maliban sa mga iniuutos na aktibidades sa ilalim ng batas, walang espesyal na kabayaran, bayad sa abogado, bayad para sa negosasyon at iba pang di-pangkaraniwang bayarin na ikakaltas mula sa anumang halaga na nakalaan para sa isang empleyado, maliban lamang kung mayroong indibidwal at nakasulat na awtorisasyon na nilagdaan ng empleyado. Ang nasabing awtorisasyon ay dapat na naglalaman ng ispisipikong halaga, layunin, at kung sino ang makikinabang sa kaltas.








Comments