Karapatan ng delivery riders sa makatarungang trabaho at benepisyo
- BULGAR

- 19 minutes ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 31, 2026

Ang Department of Labor and Employment (DOLE) Labor Advisory No. 14, Series of 2021 na tumutukoy sa “Working Conditions of Delivery Riders in Food Delivery and Courier Activities” ang nagsisilbing basehan ng kondisyon sa pagtatrabaho ng ating mga delivery riders at couriers.
Sinasaklaw ng Labor Advisory na ito ang pagbibigay ng proteksyon para sa mga delivery riders sa food delivery at courier activities na gumagamit ng digital platforms. Ayon sa nasabing advisory, ang digital platform company ay tumutukoy sa isang tao o kumpanya na nagmamay-ari o namamahala ng isang location-based digital platform kung saan nagtatalaga ng trabaho sa isang lugar para sa food delivery at courier activities.
Ayon sa nabanggit na Labor Advisory, ang pagtukoy sa relasyon ng delivery riders at mga digital companies ay ibinabatay sa prinsipyo ng “primacy of facts.” Ang prinsipyong ito ay sinusuri alinsunod sa mga sumusunod na panuntunan:
a) Four-fold test.
Ito ay tumutukoy sa (1) pagpili at pagkuha ng empleyado; (2) pagbabayad ng sahod; (3) kapangyarihang magdisiplina at (4) kapangyarihang kontrolin hindi lamang ang resulta ng pagtatrabaho kundi pati ang paraan ng pagsasagawa nito.
b) Economic Reality test.
Ito ay tumutukoy sa (1) kabuuan ng serbisyong isinasagawa ay kinakailangan at sakop sa negosyo ng amo; (2) kabuuuan ng mga equipments at investment at maging ng mga pasilidad na gamit; (3) ang likas at antas nang kontrol ng employer;
(4) ang oportunidad ng trabahador sa profit at loss; (5) ang hangganan ng husay, initiative, judgement at pagtingin ng empleyado sa ikauunlad ng enterprise; (6) tagal ng relasyon ng trabahador at amo; at (7) antas ng pagiging dependent ng empleyado sa kanyang employer para sa kanyang patuloy na pagtatrabaho sa linya ng negosyo ng employer.
c) Independent Contractor test.
Ang mga trabahador ay itinuturing na independent contractors dahil sa kakaiba nilang kakayahan at talento at ng kawalan ng kontrol kung papaanong paraan nila isasagawa ang kanilang pagtatrabaho.
Ang mga delivery riders na itinuturing na empleyado ay mayroong karapatang magkaroon ng security of tenure, mag-organisa at makipag-collective bargaining.
Sila rin ay may karapatan sa mga sumusunod na benepisyo:
Minimum wage;
Holiday pay;
Premium pay;
Overtime pay;
Night shift differential;
Service Incentive Leave;
Thirteenth-month pay;
Separation pay;
Retirement pay;
Occupational safety and health standards;
Social benefits e.g. SSS, Philhealth, Pag-IBIG; and
Other benefits (iba pang mga benepisyo sa ilalim ng kasalukuyang batas).
Samantala, para naman sa mga delivery riders na itinuturing na independent contractors o tinatawag na freelancers, ang mga termino at kondisyon ng kanilang pagtatrabaho ay nakabatay sa kanilang kasunduan sa mga digital platform companies katulad ng, subalit hindi limitado sa mga sumusunod:
Pagbabayad nang patas na kabayaran para sa pagtatrabaho na hindi bababa sa minimum wage;
Pag-aayos ng registration at coverage sa SSS, Philhealth at Pag-IBIG;
Pagsunod sa occupational safety and health standards katulad ng paggamit ng personal protective equipment (PPEs) at pagdalo sa mga trainings at seminars sa road and traffic rules at road safety na pangangasiwaaan ng digital platform company sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan; at
Pakikipag-ugnayan sa mga local government units o merchants sa pagtukoy ng mga nakatalagang delivery areas para sa mga nasabing delivery riders.
Anumang reklamo o hinaing ng mga delivery riders o ng mga digital platform companies laban sa isa’t isa ay aayusin at reresolbahin sa pamamagitan ng conciliation, mediation, inspection, o arbitration sa ilalim ng kasalukuyang panuntunan at regulasyon.





Comments