Karapatan ng bilanggo laban sa pagmamaltrato

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 20, 2020
Ang piitan o bilangguan ay may mga ipinatutupad na patakaran at alituntuning marapat na sundin ng bawat bilanggo upang mapanatili ang kaayusan. Kasama sa mga alituntunin at patakaran ang pagpapatupad ng disiplina sa bawat bilanggo. Sa pagpapatupad ng mga alituntunin at patakarang ito ay marapat na maisagawa nang ayon sa kung ano ang isinasaad ng batas.
Nakasaad sa Seksiyon 19, Artikulo III ng 1987 Philippine Constitution ang mga sumusunod:
“Sek. 19. (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o hindi makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen. Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang kamatayan.
(2) Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal, sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang paggamit ng mga kaluwagang penal na hindi makatao.”
Ayon naman sa “United Nation’s Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners (Adopted by the First United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders, held at Geneva in 1955, and approved by the Economic and Social Council by its Resolutions 663 C (XXIV) of 31 July 1957 and 2076 (LXII) of 13 May 1977),” ang paggawad ng disiplina sa mga bilangguan ay marapat na may katatagan, katigasan at diin. Ang pagpataw ng mga patakaran ay hindi mas hihigit sa restriksiyon o pagbabawal sa kung ano lang ang kinakailangan para sa ligtas na kustodiya at kaayusan sa loob ng institusyon.Mula sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang pagpataw ng labis na kaparusahan at ng pananakit sa bilanggo ay hindi dapat bigyan ng laya sa mga piitan o bilangguan. Ispisipikong isinasaad ng Saligang Batas sa ilalim ng probisyon ng Bill of Rights, ang paggamit ng pisikal at nakahihiyang parusa o kaparusahan sa bilanggo ay pinarurusahan ng batas. Kung mayroong labis na pananakit na nagawa ang prison guard sa bilanggo, marapat na ito ay ipinaaalam sa mga kinauukulan sa loob ng bilangguan upang ito ay mapagtuunan ng pansin ng mga nanunungkulan at may kapangyarihan doon. Kapag napatunayan na mayroong hindi tamang pananakit o pagmamaltrato na ginawa ng prison guard siya ay maaaring sampahan ng kasong administratibo o kriminal.
Pakatandan lamang ng bawat bilanggo na may obligasyon din silang sumunod sa mga patakarang ipinaiiral sa loob ng piitan para na rin sa kanilang kaligtasan at kaayusan.





Comments