Karapatan ng bata na magkaroon ng legal guardian
- BULGAR

- 2d
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 8, 2026

Ayon sa batas, ang ama at ina ang likas na tagapangalaga ng katauhan at ari-arian ng kanilang mga anak na wala pa sa tamang gulang, na hindi kinakailangan ng pagtatalaga ng husgado. Subalit may mga pagkakataon kung saan ang parehong ama at ina ng isang bata ay hindi makaganap ng kanilang mga tungkuling pangalagaan ang katauhan at mga ari-arian ng kanilang mga anak.
Sa pagkakataong ito, ang sinuman na kamag-anak ng isang bata na wala pa sa tamang edad o ang nasabing bata mismo, kung siya ay labing-apat na taong gulang na, ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado na gumaganap bilang Family Court sa lugar kung saan siya nakatira o sa lugar kung saan ang alinman sa kanyang mga ari-arian ay matatagpuan, kung siya ay nakatira sa ibang bansa.
Sa ilalim ng A.M. No. 03-02-05-SC (Rule on Guardianship of Minors), na inilabas ng Korte Suprema noong ika-1 ng Mayo 2003, maaaring magtalaga ang husgado ng legal na tagapangalaga ng isang batang wala pa sa tamang gulang (minor) sa mga sumusunod na sitwasyon:
Death, continued absence or incapacity of his parents;
Suspension, deprivation or termination of parental authority
Re-marriage of his surviving parent, if the latter is found unsuitable to exercise parental authority; or
When the best interest of the minor so requires. (Section 4, A.M. No. 03-02-05-SC)
Matapos na maihain ang petisyon para sa pagtatalaga ng tagapangalaga, magkakaroon ng pagdinig sa nasabing petisyon at isasagawa ang isang case study report ng isang social worker. Ang sinumang nagnanais na sumalungat sa nasabing petisyon ay maaaring maghain sa husgado ng kanyang mga basehan sa pagsalungat.
Sa pagtatalaga ng legal na tagapangalaga sa katauhan at ari-arian ng isang bata, marapat na karapat-dapat ang maihirang o maitalaga na legal na tagapangalaga o tagapangasiwa. Ikokonsidera ng husgado ang kanyang magandang karakter, pag-iisip, pisikal, at sikolohikal na kondisyon, ang pinasyal na kakayahan nito, ang kanyang kakayahang pangasiwaan ang mga ari-arian, at maging ang kanyang relasyon sa batang kanyang pangangalagaan.
Ang legal na tagapangalaga ay may obligasyong pangalagaan ang katauhan o ang mga ari-arian ng nasabing bata. Bukod sa pangkalahatang pangangalaga, ang isang legal na tagapangalaga o legal guardian ay mga obligasyong katulad ng:
Pagbabayad ng utang ng bata mula sa personal nitong ari-arian o sa mga kita ng kanyang mga real properties;
Maningil ng mga pautang ng ward;
Pangalagaan ang mga ari-arian ng kanyang ward;
Magsumite ng imbentaryo ng mga ari-arian ng kanyang ward sa loob ng tatlong buwan mula nang siya ay nahirang na legal na tagapangalaga at kada taong susunod dito;
Kapag mayroong usapin ukol sa mga ari-arian ng bata, may obligasyon ang kanyang legal na tagapangalaga na ipagtanggol siya at magsilbing kinatawan sa nasabing usapin. Ang legal na pangangalaga at pangangasiwa ay matatapos sa sandaling ang bata ay tumuntong na sa tamang edad o kung ang nasabing bata ay namatay o kaya naman ay umalis ang kanyang tagapangalaga.



Comments