Kampo ni VP Sara, umarangkada agad sa impeachment battle
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 22, 2026

KAMPO NI VP SARA, NAKAPUNTOS AGAD SA IMPEACHMENT – May kumalat na impormasyon sa social media na sa naganap na impeachment pre-trial conference ay “kinain nang buhay” o inilampaso umano ni Atty. Shiela Sison, lead counsel ni Vice President Sara Duterte, sa argumento si House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro.
Kung totoo ang isyung ito, magandang senyales ito para sa kampo ni VP Sara dahil maaaring magpahiwatig ito na may matibay silang depensa. Sa unang paghaharap pa lamang, nakapuntos na agad umano ang kampo ng bise presidente laban sa House Prosecutor's Panel. Boom!
XXX
KAHIT ‘DI MAKABILANG SINA SEN. JINGGOY ESTRADA AT SEN. RONALD DELA ROSA SA IMPEACHMENT COURT, MAABSUWELTO PA RIN SI VP SARA – Maraming eksperto sa batas ang nagsasabing 16 na boto ng senator-judges ang kailangan para mahatulan sa impeachment si VP Sara.
Ibig sabihin, kahit hindi maging bahagi ng impeachment court sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ronald Dela Rosa, maaari pa ring maabsuwelto si VP Sara dahil 13 senador lamang ang nasa Gatchalian bloc. At sa tingin ng publiko, malabong madagdagan pa ito dahil ang mga nasa Cayetano bloc ay pawang itinuturing na mga pro-Duterte senator. Period!
XXX
HALOS KALAHATI NG POPULASYON NG PINOY, DISKUNTENTO KAY PBBM – Ang laki ng ibinagsak ng rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) dahil sa latest survey ng SWS, 46% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila kuntento sa kanyang pamamalakad sa bansa.
Grabe, dahil ang 46% na ito ay halos kalahati na ng populasyon ng Pilipinas.
Ibig sabihin, kahit sino pa ang maging "manok" ni PBBM sa 2028 presidential election ay mahihirapang talunin si VP Sara. Abangan!
XXX
MAWAWALA ANG PAGKASIGA NINA ‘JUN PULO’ AT ‘RIC’ SA QC ‘PAG NATIMBOG SILA NG MGA PULIS – Dalawang umano'y "siga-siga" na nagngangalang "Jun Pulo" at "Ric" ang hinihinalang nanghihingi ng "tongpats" sa mga KTV bar at spa sa Quezon City.
Kapag nahuli ng kapulisan ang dalawang umano'y "tongpats" collector na ito, tiyak na mawawala ang kanilang pagka-siga-siga. Boom!




Comments