Kamayan, yakapan at fist bumps binabawal sa NBA

ni MC / Anthony E. Servinio - @Sports | January 22, 2021

Mahigpit na inanunsiyo ng NBA na ipinagbabawal na nila ang yakapan, handshakes, high-fives, fist o elbow bumps at iba pang hindi mahalagang physical contact sa mga manlalaro bunsod nang pagtaas ng kaso ng COVID-19 na nagreresulta sa pagkakansela ng mga laro.
Sa isang memo ng NBA, sinabi nitong hindi sinusunod ng mga manlalaro ang protocol na nagbabawal sa unnecessary body contact kaya papapasukin na nila ang mga security sa gitna ng court upang mapigilan ang mga manlalaro na lumabag sa protocols. Dahil umano sa pagtaas ng coronavirus infections, hihigpitan na nila nang todo ang mga manlalaro at staff kasama ang ilan pang tao upang mabawasan ang posibilidad ng on-court transmissions. Ayon sa ulat, aabot sa 11 manlalaro ang nagpopositibo noong Enero 13-19 kung saan maraming laro rin ang nakansela dahil sa isyu ng COVID-19.
Samantala, umapoy para sa 15 puntos si Collin Sexton sa pangalawang overtime upang gulatin ng Cleveland Cavaliers ang Brooklyn Nets, 147-135, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Rocket Mortgage FieldHouse. Inalisan ng kinang nina Sexton at dating Net Taurean Prince ang pagbabalik sa aksyon ni Kyrie Irving at una niyang tambalan kay Kevin Durant at James Harden.
Tinalo ng Philadelphia 76ers ang Boston Celtics, 117-109, salamat sa 42 puntos ni Joel Embiid at maagaw ang liderato ng Eastern Conference sa kartadang 10-5. Sumunod si Tobias Harris na may 22 puntos at naramdaman ng Celtics ang patuloy na pagliban ni Jayson Tatum para bumaba sa ikatlong pwesto sa kartadang 8-5.
Ipinasok ni rookie Cole Anthony ang tres sabay ng huling busina upang itulak ang Orlando Magic sa makapigil hiningang panalo sa Minnesota Timberwolves, 97-96. Nanguna para sa Magic sina Nikola Vucevic na may 28 puntos at Evan Fournier na may 24 puntos.
Kinailangan din ng Atlanta Hawks ang overtime para mailigpit ang Detroit Pistons, 123-115. Bumida si Trae Young sa 38 puntos at sinundan siya ni John Collins na may 31 puntos.
Patuloy ang pagbabalik sa porma ni Kristaps Porzingis galing sa operasyon sa tuhod at nagsabog ng 27 puntos sa 124-112 tagumpay ng Dallas Mavericks sa Indiana Pacers. Wagi ang Miami Heat sa Toronto Raptors, 111-102. Namuno sa Heat sina Kendrick Nunn na may 28 puntos at Goran Dragic na may 17 puntos.
Itinumba ng Los Angeles Clippers ang Sacramento Kings, 115-96, at tumabla sa Lakers para sa liderato ng Western Conference at buong NBA sa kartadang 11-4. Kumuha muli ng lakas ang Clippers kay Kawhi Leonard na may 32 puntos at Paul George sa 19 puntos.
Tinambakan ng Golden State Warriors ang San Antonio Spurs, 121-99. Mainit si Stephen Curry sa kanyang 26 puntos. Matapos matalo sa huling dalawa, nakatikim ng panalo ang Phoenix Suns sa Houston Rockets, 109-103.





Comments