Kamara, gigil na gigil ma-impeach si VP Sara
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 19, 2026

BILYUN-BILYON ANG NA-SCAM NI ZALDY CO KASI KUNG MAMALATO RAW SIYA, P130M – Sa pagdinig sa Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong malversation of public funds through falsification of public documents, bribery, at graft laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inamin ng state witness na si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na tumanggap siya ng P130 milyon na “balato” mula sa umano’y kinita ng dating kongresista sa mga flood control project sa Oriental Mindoro.
Kung ang P130 milyon ay “balato” lamang, malinaw na nagpapahiwatig ito na posibleng umabot sa bilyun-bilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan sa nasabing lalawigan. Tsk!
XXX
SHOCKING SA DAMI ANG KINUHANG ABOGADO NI VP SARA, KAYA'T ANG TANONG: SAAN SIYA KUMUHA NG IPAMBABAYAD SA SANGKATUTAK NIYANG LAWYERS? – Na-shock ang publiko sa 16 na abogadong kinuha ni Vice President Sara Duterte para magtanggol sa kanya sa mga kasong impeachment na isinampa laban sa kanya.
Ipagpalagay nang libre ang serbisyo nina Atty. Michael Poa at Atty. Reynold Munsayac, dahil dati na silang kasama niya sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno rito. Ngunit ang natitirang 14 na abogado ay malamang na may bayad.
Kung walang kasalanan si VP Sara sa mga paratang, marahil ay sapat na ang mas maliit na legal team—halimbawa, limang abogado: dalawa na libre at tatlong may bayad.
Kaya ang tanong: saan nanggaling ang pondong gagamitin ni VP Sara para sa napakaraming abogado? Period!
XXX
GIGIL NA GIGIL ANG KAMARA NA MA-IMPEACH SI VP SARA KASI KAHIT NAKA-RECESS, TULOY HEARING NILA SA 2 IMPEACHMENT CASES SA BISE PRESIDENTE –Napagdesisyunan ng House of Representatives na kahit naka-recess ang Kamara, ipagpapatuloy ng House Justice Committee ang pagdinig sa dalawang impeachment case laban kay VP Sara.
Patunay ito na determinado ang Kamara na ituloy ang proseso ng impeachment laban sa bise presidente. Boom!
XXX
MAYOR BIAZON, MADALAS PA LANG MAG-IKOT PERO SANGKATERBANG KUBRADOR NG STL-CON JUETENG AT LOTTENG, HINDI NIYA NAKIKITA SA MGA BARANGAY SA MUNTINLUPA CITY – Tinugon ni Mayor Ruffy Biazon ang puna ng isang residente ng Muntinlupa City na si Arniel Serato, na nagsabing “papogi” lamang umano ang alkalde sa pagsama sa mga rider ng RIDEMed na nagde-deliver ng maintenance na gamot sa mga senior citizen sa iba’t ibang barangay.
Ayon kay Biazon, personal siyang sumasama sa mga operasyon upang makita ang aktuwal na sitwasyon sa mga komunidad at matukoy kung paano pa mapapabuti ang mga serbisyo sa lungsod.
Gayunman, kung madalas ngang umiikot ang alkalde sa mga barangay, isang tanong ang bumabangon: hindi ba niya napapansin ang talamak na operasyon ng umano’y STL-con jueteng at lotteng sa lungsod, na sinasabing pinatatakbo ng mga alyas “Jojo” at “Touche”?



Comments