top of page

Kamandag ng kanser, agapan natin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 5
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 5, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nagambala ang mga manginginom at taga-industriya ng inuming may alkohol sa lumabas na ulat nitong Enero na nagsabing kahit kaunting pag-inom ng anumang alak ay posibleng maging sanhi ng kanser. Kumbaga, kahit katamtamang paglagok ng nakalalasing na inumin ay hindi maipapayo kung mas nanaising mabuhay nang matagal at ayaw na malagay ang pangangatawan sa alanganin. 


Napapanahon ang usaping ito dahil World Cancer Day nitong Martes, na idinaos din dito sa atin sa paglunsad sa Quezon City ng “Act Now: 30-Day Screening to Treatment”. Programa iyon ng Philippine Society of Medical Oncology na naglalayong isara ang puwang sa usaping kanser mula sa pagpapatingin hanggang sa pagpapagamot, pati na rin ang pagwaksi sa mga estigma at diskriminasyon laban sa mga nagdurusa sa sakit na ito.


Sa mahigit 100 ba namang uri ng kanser, ito ang naitalang ikalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng nakararaming Pilipino. Maraming parte ng ating katawan ang maaaring pagmulan ng pagtubo ng tumor o nakapapahamak na abnormal na mga selula na maaaring kumalat at manalakay ng ibang bahagi sa pagitan ng ating ulo hanggang talampakan. Ilan sa mga posibleng sintomas ng kanser ay ang ’di karaniwang pagdudugo, matagalang pag-uubo o pamamalat ng boses, ’di maipaliwanag na pagbaba ng timbang, pagbabago sa pagdudumi, kahirapan sa pagsubo ng pagkain, o kaya’y pamumukol na hindi nakuha sa pagkauntog. 


Malaking bagay ang maagang pagpapatingin at pagtuklas kung sakaling ang isang tao ay may kanser, upang maagapan ito bago lumala’t wala nang maitutulong ang pagpapagamot. ’Yun nga lang, marami pa rin ang mga pasyenteng may kanser dahil hindi agad lumitaw ang mga sintomas nito hanggang sa puntong hindi na maaagapan o dahil walang kakayanang makapagpatingin dala ng kakulangan sa pondo o panahon upang magtungo sa ospital o pagamutan.


Sa lawak ng kamandag ng kanser ay marahil na may mga mahal tayo sa buhay, matalik na kaibigan o nakatrabaho na ito ang kasalukuyang karamdaman o kaya’y naging sanhi ng pagpanaw. Kung tayo man o ating kakilala ay mayroon nito, nararapat na patibayin ang kalooban at pangangatawan at huwag sumuko’t isipin na hindi na mapagkakalooban ng kinabukasan. Bagkus ay manalig habang masusing nagpapagaling, sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng doktor at sariling pangangalaga dala ng, halimbawa, pagpili ng pagkaing mas may kakayanang labanan ang kanser.


Kabilang sa mga iyon ang nilutong kamatis, luntiang dahong gulay at mga partikular na uri ng mansanas at ubas. Maging ang paulit-ulit palang pagsawsaw sa tubig ng bag ng tsaa ay mas nakakawala ng mga molekulang panlaban sa kanser imbes na hahayaang nakalubog lang sa baso.Bukod sa pagpili ng tamang makakain at maiinom, aspeto rin ng pagmamanman sa pagharap sa pagkakaroon ng kanser o pag-aaruga sa may karamdamang ito ay ang kamalayan ukol sa makatutulong na mga kilos at asal. 


Siyempre, nariyan ang pagiging lalong maingat sa pamumuhay, sa mga paraan gaya ng sapat na pagpapalakas, pagpahinga’t pagtulog at pagkain. Nariyan din ang pagiging bukas sa isa’t isa upang pawang may masasandalan sa kahabaan ng pakikipagsapalaran sa kalagayang ito. Makatutulong din, sa kabila ng kasaklapan, na tanggapin ang katotohanan — at ang mga posibilidad gaya ng pagbabago sa pangangatawan at kaanyuhan — at harapin ang lahat ng ito nang may lakas ng loob at pagnanais na masalubong ang makakamit pang mga panahon, imbes na walang ibang gawin kundi gunitain ang nakaraan at pagsisihan ang nakaalpas na pagkakataon sanang hindi nakapauwi sa kasalukuyang kalagayan. Maging mabait sa sarili, kumbaga, imbes na magpadala sa alon ng dalamhati at malunod sa kumunoy ng panghihinayang.


Hindi rin maikakaila na makatutulong ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga mamamayang may kanser, upang madamayan ang isa’t isa habang nauunawaan ang pagkakapareho ng kani-kanyang pinagdaraanan.


Kung mapalad naman na hindi nabibilang sa mga taong may kanser, napakainam na ugaliin ang pag-iwas sa mga bagay na alam na nating hindi mabuti sa atin. Bukod sa alak, pakaiwasan din ang paninigarilyo, at umiwas din sa mga naninigarilyo upang hindi makalanghap ng kanilang usok. Huwag ding hayaang mababad ang sarili sa ibinubuga ng libu-libong mga tambutso at iba pang sanhi ng polusyon sa hangin.


Umiwas din sa mga mapulang karne, naprosesong pagkain at iba pang pang-laman tiyan na mataas sa tinatawag na saturated fat, at mawili na lang sa mangunguyang mga halaman at natural na pagkaing sagana sa Vitamin D. Ugaliin ding mag-ehersisyo nang madalas at huwag hayaang bumigat ang sariling timbang.


Magpabakuna laban sa hepatitis, HIV at HPV kung makakaya, at huwag makipagtalik sa iba’t ibang tao o gumamit ng gamit na hiringgilya. Bukod pa sa lahat ng iyan ay ang maagap na pagpapatingin at pagpapasuri ng dumi, pati ng ating colon o malaking bituka sa pamamagitan ng colonoscopy.


Ang ating kalusugan ay ating kayamanan. Kung tayo’y malusog at malayo sa kanser, mas marami tayong magagawa hindi lamang para sa sarili kundi para sa kapakanan ng ating kapwa.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page