top of page

Kakulangan sa petrolyo, magkaroon dapat ng maayos na regulasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | March 9, 2026



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala para sa maraming Pinoy ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East. 


Hindi lamang ito tungkol sa supply ng petroleum products kundi isang usaping direktang may epekto sa bulsa ng taumbayan. 


Kapag sumirit ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene, kasunod nito ang pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.


Sa kabila ng pangamba ng publiko, sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na may sapat pang reserba ng langis ang bansa. 


Ayon sa isang opisyal, tinataya umanong may dalawang buwang supply ng petroleum products ang Pilipinas batay sa datos mula sa Department of Energy (DOE). 

Ang pahayag na ito ay inilabas habang patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang epekto ng sigalot sa Middle East sa pandaigdigang presyo ng langis.


Gayunman, kahit may sapat na suplay sa ngayon, inaasahang tataas pa rin ang presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo. 


Batay sa minimum estimates ng DOE, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng hanggang P19 kada litro, gasoline ng P9 kada litro, at kerosene ng P31 kada litro. 


Ang ganitong pagtaas ay maaaring magdulot ng panibagong pasanin sa mga motorista, transport groups, at maging sa mga negosyong umaasa sa fuel para sa operasyon.


Bilang tugon sa posibilidad ng kakulangan o manipulasyon sa supply, nagsasagawa na umano ng inspeksiyon ang BOC sa mga bodega at depot ng mga oil company sa bansa. 

Layunin nitong tiyakin na walang nagaganap na artificial shortage, isang sitwasyon kung saan sinasadya umanong limitahan ang supply upang mapataas ang presyo sa merkado.


Kasabay nito, pinaigting din ng DOE ang pagbabantay laban sa hoarding at profiteering sa pagbebenta ng petroleum products. 


Mahalaga ang hakbang na ito upang maprotektahan ang publiko laban sa mga mapagsamantalang gawain na lalo pang nagpapahirap sa mamamayan.


Dagdag pa rito, may epekto rin sa  kita ng gobyerno ang paggalaw ng presyo ng langis. Tinatayang kumikita ang bansa ng P330 bilyon hanggang P410 bilyon kada taon mula sa buwis na nakukuha sa petroleum products. 


Kapag nagkaroon ng matinding pagbabago sa supply at presyo, maaaring maapektuhan ang koleksiyon ng pamahalaan mula sa sektor na ito.


Sa ganang akin, bagama’t nakapapawi ng kaunting pangamba ang dalawang buwang supply ng langis, hindi pa rin nito tuluyang inaalis ang problema sa mataas na presyo ng fuel. 


Ang tunay na epekto ng pagtaas ng presyo ay nararamdaman ng mga ordinaryong Pinoy sa pang-araw-araw na gastos.


Mahalagang patuloy na maglatag ang pamahalaan ng malinaw na hakbang upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis. 

Magkaroon sana ng mas mahigpit na monitoring, tamang regulasyon, at mabilis na aksyon laban sa hoarding upang maprotektahan ang interes ng publiko.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page