Kailan nagiging child abuse ang pagpalo sa bata?
- BULGAR

- Jul 16
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2026

Dear Chief Acosta,
Umiiyak at may bukol sa noo nang umuwi ng bahay ang 10 taong gulang kong anak. Nang tanungin ko siya kung ano ang nangyari, nagsumbong siya na habang naglalaro sa labas ay may bata kaming kapitbahay na pinagbabato silang magkaibigan. Agad akong lumabas ng bahay para kausapin at pagsabihan ang bata. Dala ng aking emosyon, napalo ko ang kamay ng bata. Nagbanta ang kapitbahay naming kakasuhan ako dahil sa nabanggit na pangyayari. Maaari po bang maituring na child abuse ang nagawa ko?
— Keren
Dear Keren,
Una sa lahat, ang patakaran ng ating Estado ay magbigay ng espesyal na proteksyon sa mga bata mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso, kapabayaan, malupit na pagsasamantala, diskriminasyon, at iba pang negatibong kundisyon.
Sa kasong George Bongalon vs. People of the Philippines, G.R. No. 169533, 20 Marso 2013, sa panunulat ni Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin, pinasiyahan ang mga sumusunod:
“Section 10. Other Acts of Neglect, Abuse, Cruelty or Exploitation and other Conditions Prejudicial to the Child’s Development. –
(a) Any person who shall commit any other acts of child abuse, cruelty or exploitation or be responsible for other conditions prejudicial to the child’s development including those covered by Article 59 of Presidential Decree No. 603, as amended, but not covered by the Revised Penal Code, as amended, shall suffer the penalty of prision mayor in its minimum period.
Child abuse, the crime charged, is defined by Section 3 (b) of Republic Act No. 7610, as follows:
Section 3. Definition of terms. –
(b) ‘Child Abuse’ refers to the maltreatment, whether habitual or not, of the child which includes any of the following:
(1) Psychological and physical abuse, neglect, cruelty, sexual abuse and emotional maltreatment;
(2) Any act by deeds or words which debases, degrades or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being;
(3) Unreasonable deprivation of his basic needs for survival, such as food and shelter; or
(4) Failure to immediately give medical treatment to an injured child resulting in serious impairment of his growth and development or in his permanent incapacity or death.
Although we affirm the factual findings of fact by the RTC and the CA to the effect that the petitioner struck Jayson at the back with his hand and slapped Jayson on the face, we disagree with their holding that his acts constituted child abuse within the purview of the above-quoted provisions. The records did not establish beyond reasonable doubt that his laying of hands on Jayson had been intended to debase the "intrinsic worth and dignity" of Jayson as a human being, or that he had thereby intended to humiliate or embarrass Jayson.”
Batay sa nasabing kaso, hindi lahat ng pagkakataon ng pagpalo sa kamay ng bata ay maituturing na pang-aabuso sa bata (child abuse) sa ilalim ng Section 10 (a) ng Republic Act (R.A.) No. 7610, o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.” Ang isang akto ay maituturing na child abuse kung ang pananakit o pamamalo ay maipapakita nang lampas sa makatwirang pagdududa na nilayon ng akusado na pababain ang halaga at dignidad ng bata bilang tao.
Samakatuwid, kailangang mapatunayan ng iyong kapitbahay na ang pagpalo mo sa kanyang anak ay may intensyon na pababain ang halaga at dignidad ng huli bilang tao, para masabing may pang-aabuso o child abuse. Ayon sa nasabing kaso, ang pagpalo sa kamay ng bata na ginawa nang biglaan at dahil sa galit, ay nagpapahiwatig ng pag-aalala bilang magulang. Sa pagkawala ng pagpipigil sa sarili, maaaring walang tiyak na layunin na pahiyain o pababain ang halaga ng bata bilang tao. Gayunpaman, ang akusado ay maaaring managot sa ibang krimen sa ilalim ng Revised Penal Code, depende sa mga pangyayari.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments