Kahit wala sa Senado si Sen. dela Rosa... Impeachment trial ni VP Sara, puwedeng ‘di matuloy kasi lamang pa rin sa bilang ang 12 pro-Duterte senators
- BULGAR

- 20 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 16, 2026

KAPAG NANALO SA KASO SI ATTY. MANS CARPIO, SAKIT-ULO SINA FR. SABALLA AT RAMIL MADRIAGA KASI MAGBABAYAD SILA NG P7.3M SA MISTER NI VP SARA –Nagsampa si Atty. Mans Carpio, mister ni Vice President Sara Duterte, ng P7.3 milyong damage suit sa Davao City Regional Trial Court laban kina Fr. Joel Saballa at Ramil Madriaga.
Ayon kay Carpio, nasira umano ang kanyang reputasyon dahil isa lamang siyang pribadong mamamayan ngunit nadadamay ang kanyang pangalan sa impeachment case na isinampa laban sa kanyang asawa na si VP Sara Duterte.
Bagama’t wala pang pahayag ang kampo nina Fr. Saballa at Madriaga hinggil dito, tiyak na mabigat ang kinahaharap nilang kaso dahil kapag natalo sila, maaari nilang paghatian ang pagbabayad ng P7.3 milyon kay Atty. Mans Carpio. Boom!
XXX
WALA MAN SI SEN. DELA ROSA, AT DAHIL 12 PA RIN ANG PRO-DUTERTE SENATORS, MAARI TALAGANG WALANG MAGANAP NA IMPEACHMENT TRIAL LABAN KAY VP SARA – Kumpleto na ang 11 kongresista na magsisilbing House prosecutors sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte na kasalukuyan nang nasa Senado.
Gayunman, kahit kumpleto na ang prosecution panel, malaking hamon pa rin umano para sa kanila ang sitwasyon sa Senado. Sa kabila ng pag-alis ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senate majority, nananatili pa rin umanong mayorya ang mga senador na itinuturing na kaalyado ng mga Duterte, habang mas kakaunti naman ang nasa minority at may ilan ding independent.
Ang punto rito, kung may isang pro-Duterte senator na maghain ng mosyon na huwag nang i-convene ang impeachment court at ito ay pagbotohan, posibleng manaig ang panig na tutol sa impeachment trial dahil sa kanilang bilang. Kapag nangyari ito, hindi na magkakaroon ng paglilitis at hindi rin maihaharap ng 11 miyembro ng House prosecution panel ang kanilang mga ebidensya laban kay VP Sara Duterte. Period!
XXX
KAPAG 'NGANGA' LANG ANG DEPT. OF ENERGY SA PAGNIPIS NG SUPPLY NG KURYENTE, ASAHAN NA ANG ROTATIONAL BROWNOUT SA ‘PINAS – Inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na patuloy ang pagnipis ng reserbang kuryente sa bansa. Ayon sa ulat, ang matinding init ng panahon ang isa sa mga sanhi ng aberya sa mga transmission line at sa ilang power generation facility.
Dahil dito, dapat agad na kumilos ang Department of Energy (DOE) upang tugunan ang sitwasyon. Kapag hindi ito maagapan, may posibilidad na muling maranasan ang rotational brownout sa iba’t ibang panig ng bansa. Naku po!
XXX
SA PAGSADSAD ULI NG HALAGA NG PISO KONTRA-DOLYAR, ASAHAN NANG KATUMBAS NIYAN ANG PAGTAAS NG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN – Sumadsad na naman ang halaga ng piso kontra dolyar, matapos umabot sa ₱61.64 ang palitan ng $1 sa merkado.
Masamang balita ito para sa mga mamamayan, dahil ang paghina ng piso ay karaniwang kaakibat ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin. Period!





Comments