Kabataan, protektahan laban sa online exploitation
- BULGAR

- Aug 5
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | August 5, 2026

Siguraduhin na walang batang mapipilitang mabuhay sa takot at pananamantala, lalo na kung ang panganib ay nagmumula mismo sa loob ng kanilang tahanan. Sa pag-usbong ng teknolohiya, kasabay ding lumalawak ang mga banta sa mga kabataan. Kaya nararapat lamang na maging mas mahigpit ang pagbabantay ng pamilya, komunidad at pamahalaan upang hindi na madagdagan pa ang mga biktima ng online sexual exploitation.
Bilang isang survivor, nagsalita ang isang biktima bilang isang tagapagtaguyod at bilang lakas sa mga nakaranas ng pang-aabuso, sa isang Multi-Disciplinary Team and Basic Internet Crimes Against Children (MDT-BICAC) Training na ginanap sa loob ng limang araw at nagtapos noong Hulyo 31.
Ang kanyang kuwento ay sumasalamin sa dinaranas ng maraming batang tahimik na nagdurusa sa likod ng mga cellphone, computer at iba pang digital platform. Sa likod ng mga terminong Online Sexual Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) ay mga totoong batang nawalan ng seguridad, dignidad at pagkakataong maranasan ang normal na pagkabata.
Nagsimula ang bangungot ng biktima at ng kanyang kambal na kapatid noong sila ay 11-anyos pa lamang. Masaklap pa, ang mismong kanilang ina ang nagpasok sa kanila sa online sexual exploitation upang kumita ng pera. Dahil sa mga dayuhang kliyente, napipilitan silang manatiling gising hanggang madaling-araw para sa mga online session.
Kalaunan, napilitan ang biktima na tumigil sa pag-aaral dahil sa matinding pagod at kawalan ng sapat na pahinga. Tuwing tumatanggi siya, nakararanas siya ng pananakit at pang-aabuso. Ang kanyang pribadong larawan ay ginawang kalakal para sa kapakinabangan ng mga taong walang pakialam sa kinabukasan ng isang bata.
Nagbago lamang ang kanyang buhay makalipas ang anim na taon nang siya ay mailigtas sa edad na 17. Naaresto ang kanyang ina at inilagay siya at ang kanyang mga kapatid sa isang government residential facility. Doon niya unang naranasan ang tunay na kaligtasan sa tulong ng mga social worker, house parents at iba pang taong nagmalasakit sa kanyang paggaling.
Sa suporta ng International Justice Mission (IJM) at iba pang katuwang na organisasyon, unti-unti niyang nabuo muli ang kanyang tiwala sa sarili. Natapos niya ang kursong Psychology nang may karangalan sa kabila ng kakulangan sa pananalapi. Ngayon ay isa na siyang lider ng Philippine Survivor Network (PSN), kung saan aktibo niyang isinusulong ang Hope U Protect, isang survivor-led campaign laban sa OSAEC at CSAEM.
Nakikipagtulungan din siya sa mga awtoridad upang isulong ang trauma-informed at child-centered na pagtrato sa mga biktima at mapanagot ang mga responsable sa krimen.
Ang kuwento ng survivor na ito ay hindi lamang salaysay ng pagdurusa kundi patunay na maaaring makabangon ang isang biktima kung may tamang suporta, proteksyon at hustisya. Gayunman, hindi sapat ang paghanga sa kanyang katatagan.
Mas mahalaga ang pagkilos upang maiwasan ang pagdami ng mga batang makararanas ng kaparehong trahedya. Dapat palakasin ang kampanya laban sa online sexual exploitation, paigtingin ang pagpapatupad ng batas at tiyaking ligtas ang bawat bata sa loob man o labas ng kanilang tahanan.
Kapag sama-samang kumilos ang pamilya, komunidad at pamahalaan, mas malaki ang pag-asang maputol ang siklo ng pang-aabuso at mabigyan ng mas ligtas na kinabukasan ang bawat kabataan.




Comments