top of page
SHEET - PAULO, MAY PATUTSADA SA NINAKAW NA PERA_IG _pauavelino.jpeg

Buhay at kamatayan, tao at Diyos, hindi mapaghihiwalay

Writer: BULGAR
BULGAR
7 hours ago
4 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 26, 2026



Fr. Robert Reyes


Ika-103 kaarawan ni Carlos, ang aking masayahin, masipag at marangal na ama, noong nakaraang Martes, ika-15 ng Setyembre. Buhay na buhay pa rin sa aking alaala ang masigla at nakakahawang tawa ng aking ama.


Sa kanyang walumpu’t pitong taon ng buhay, bihira kong marinig na sumigaw, magbulyaw at manakit sa salita o gawa ang aking ama.


Mabuti at magalang ito sa lahat. Ganito rin kasi ang kanyang ama, ang aming lolo Tomas, na hindi na namin magpipinsan nakilala dahil namatay na ito noong panahon ng Hapon.


Ganun pa man, nakaka-miss ang tatay kong si Carlos, ang kuya ng kanyang anim na kapatid, ang patriarka ng aming angkan. Pumanaw si Tatay, Kuya, Tito Carlos noong ika-9 ng Nobyembre 2010. Hindi magkalayo ang dalawang petsa: ang kanyang kaarawan at ang kanyang kamatayan.


May paniniwala ang matatanda na kadalasan hindi malayo at magkahiwalay ang petsa ng kapanganakan sa petsa ng kamatayan. Meron pa ngang namamatay sa kanyang mismong araw ng kapanganakan. 

                  

At habang inaalala namin ang kaarawan ng mahal naming Carlos, ginulat na lang ang marami ng malungkot at nakakabahalang mga balita. Kamamatay pa lang ng dalawang batang pari ng diyosesis ng Cubao na sina Padre Edward Cometa, 35, at Padre Michael Ty, 54.


Noong nakaraang ika-13 ng Setyembre, araw ng Linggo, tinanggap sa Immaculate Conception Cathedral ni Obispo Ely Ayuban ng Cubao kasama ang kaparian ang mga labi ng dalawa naming paring kapatid. Sa naturang misa, nagkataong magkatabi kami ni Monsignor Jun Bugaoan.


Pagkatapos ng Misa, nagtawag para sa “picture-taking” sa altar kasama ang mga labi ng aming mga paring kapatid.


Nilapitan natin at inalalayan si Monsi Jun na hirap nang maglakad dahil sa stroke. Pabiro nating sinabi dito, “Monsi, nauna na ang dalawang batang pari; tayo na ang pinakamatanda. Baka kasunod na tayo?” 


Ngumiti na lang si Monsi Jun at biglang nagtanong, “Hindi ba’t klasmeyt tayo?” “Hindi po, 74 na kayo at 71 pa lang ako. Una kayo ng tatlong taon sa akin sa seminaryo,” sagot ko. Hindi na sumagot si Monsi at unti-unti kaming naglakad patungong altar. Pagdating sa altar, habang magkakapit-kamay pa rin at mahigpit na hawak-hawak ni Monsi ang aking kamay, humarap kaming mga pari sa mga cellphone at camera at magkasamang nagpakuha ng group pic ng kaparian ng Diyosesis ng Cubao.


Pagkatapos ng “picture taking,” hawak-hawak pa rin ang kamay ni Monsi Jun, naglakad kaming pabalik sa kanyang upuan kung saan naghihintay ang kanyang mga alalay.

                  

Dumaan ang dalawang araw, dumating ang Martes at nabalitaan na lang ng lahat na natagpuang walang malay si Monsi Jun sa baldosa ng bahay ng kanyang mga magulang sa Mandaluyong. Dinala ito sa ospital. “Stroke at kailangang operahan kaagad.”


Pagkaraan ng operasyon hanggang ngayon, wala pa ring malay si Monsi Jun. Nag-aagaw-buhay na ito. Kailangan nang maghanda ang pamilya at diyosesis sa masakit na katotohanan. Noong Martes, umugong din ang balita ng isang sunog sa aming parokya sa Project 8. Apat na miyembro ng pamilya ang nasunog at namatay. Nabuhay ang panglima, ngunit pumanaw din makalipas ang anim na araw.  Sila ang pamilya Aquino: Roberto, ama, 64; Alona, ina, 61; Mercedes, anak, 36; Gabrielle Alexa, 16, anak ni Mercedes at Angel Jerome, 41. 


Noong nakaraang Miyerkules, dinala ang limang urn ng mga nasawing miyembro ng Pamilya Aquino sa “Viewing Chapel” ng aming parokya. Minisahan natin ang limang nasawi noong nakaraang Huwebes. Ganon na lang ang hinagpis ni Ana, anak, kapatid at tiyahin. Wala akong masabi sa gitna ng napakabigat na trahedya ng bigla at masakit na pagkawala ng limang mahal sa buhay.

                  

Sa tabi ng limang urn, mayroong larawan ng limang pumanaw. Nakangiti, masaya ang lahat sa larawan. Buhay na buhay ang larawan sa tabi ng limang marmol na urn. Nang inalay natin ang misa para sa limang parokyano, naalala ko rin si Monsi Jun na nag-aagaw-buhay. Ang babata ng mga pumanaw sa pamilya Aquino. Kapapanaw din ng mga batang pari ng Cubao. Nag-aagaw-buhay na ang isa sa pinakamatandang pari ng Cubao. 

                  

Nagkataon na ang unang pagbasa noong Huwebes ay mula kay propeta Qoheleth na nagsabing, “Vanity of vanities. All is vanity.” Medyo nahirapan tayong hanapan ng katumbas na salita sa Tagalog. Sabi ni Wikipedia: vanity, banidad o walang kabuluhan. Hindi ako nasiyahan. Pinili natin ang “Labis na Pagkahumaling sa Sarili.” Sa buhay at kamatayan, ang malalim na hamon ay ang makilala natin ang tunay nating sarili.


Binuhay lang tayo ng biyaya ng Diyos. Walang maaaring magmalaki sa atin. Walang hihigit pa sa buhay at kaligtasan na galing sa Diyos. Hindi pera, ari-arian o kapangyarihan ang pinagmumulan ng buhay. Hindi rin ito ang magliligtas sa atin.

                  

Sabi ni Ana, anak nina Roberto at Alona, “Close-knit family kami. Laging naghahanap ng pagkakataon ang aming nanay Alona na magsama-sama at magsaya kami. Lagi din kaming nagsisimba dito sa Our Lady of Perpetual Help. Ito ang aming kayamanan… pamilyang malapit at ang pananalig namin sa Diyos…” Kambal man ang buhay at kamatayan, kambal din at hindi mapaghihiwalay ang tao sa Diyos, ang kanyang pinanggalingan… ang kanyang kaligtasan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page