top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na

Kabataan, hindi na mauuto sa kapalpakan at katiwalian

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 minutes ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | August 25, 2026



Bistado ni Ka Ambo


Isa tayo sa naniniwala na wala nang direksyon ang pamahalaan.

Halos lahat ay inakusahang sangkot sa katiwalian.

Hindi na kailangan ang ebidensiya r’yan.

Tsismisan lang naman at hindi husgado.


----$$$--

Isipin mong ang isang pulutong ng pulis ay garapalang inaagaw ang epektos ng sigarilyo.

‘Yan ba ay kailangan pa ang “debate”?

Kultura ang tawag d’yan.

Kultura ng korupsiyon sa burukrasya.


----$$$--

Kapag sinabing kultura, hindi iyan simpleng paglabag sa batas.

Hindi nareresolba ng judicial process ang bulok na kultura.

Parang kuwento ng aswang ‘yan—walang kamatayan at paulit-ulit na naghahasik ng lagim.


-----$$$--

Sa totoo lang, kaawa-awa naman ang mga kabataan—tipong sinisisi sa pagkagumon sa social media—at nagagaya raw ang kultura ng lagim sa internet.

Naku po! Hindi totoo ‘yan.


----$$$--

ANG kawalang-hiyaan ay wala sa social media—bagkus, ang kawalang-hiyaan ay aktuwal na nakikita at nararamdaman ng mga paslit nang aktuwal sa lipunan na kanilang ginagalawan.

Nadadamay lang ang teknolohiya kasi paglabas ng paslit sa kalye, kitang-kita ng kanilang mga mata ang pangongotong ng mga pulis at traffic enforcers.

Kailangan pa ba ang debate at ebidensiya?


----$$$--

HINDI mababarahan ang tenga at matatakpan ang mata ng mga kabataan. Sila ang mga piping saksi sa talamak na katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan.

Mas mulat ang mga kabataan kaysa sa pulpol na matatanda na lumaki sa katiwalian.


----$$$--

Ang pang-aapi sa mga nagugutom, mga nagkalat na pulubi at mga baliw sa kalye ay kitang kita ng mga paslit.

Alam ng mga kabataan na nilulustay ang kaban ng bayan—pero, sangrekwa ang natutulog sa gitna ng kalye sa Metro Manila at buong bansa.


-----$$$--

Hindi kinukupkop ng LGU at DSWD ang nagkalat na pulubi, baliw at mga batang lansangan.

Nakakasulasok ang eksenang ito araw-araw.

Hindi kailangan ang internet, selpon o social media upang mararamdaman, at aktuwal na masaksihan ng mga paslit at kabataan ang “kawalang-hiyaan” na ito.

Hindi sinasaklolohan ng mga awtoridad ang mga kapuspalad.


----$$$--

ALAM ng mga kabataan na ang kanilang magulang, kapitbahay na malulusog at may sapat na enerhiya, ay tumatanggap ng ayuda—kahit “may sapat” silang kabuhayan.

Pero, ang aktuwal na nagugutom na pulubi at mga baliw at basurero ay walang tumutulong.


-----$$$--

MAGING ang lider ng relihiyon, sekta at Simbahan ay mga hipokrito’t ipokrita—hindi sumasaklolo sa mga nagdarahop.

Pagkukunwari lamang ang mga pagtulong.


----$$$--

WALA tayong maasahan sa mga lider ng gobyerno—mula sa barangay hanggang sa nasyonal—dahil wala silang “dalisay” na ideolohiyang kupkupin nang ganap at seryoso ang tunay na nagugutom at nangangailangan.

Walang solusyon ang ganitong klase ng lipunan.


-----$$$-

KAHIT ang dasal na walang patid ay hindi tatalab, sapagkat kahit ang mga botante ay nagbebenta ng boto sa mga mandarambong.

Sige, ipaliwanag mo kung paano makakaahon sa burak ng kadiliman ang pobreng si Juan.


----$$$--

ISANG modernong Kristong mulat sa tradisyon at teknolohiya ang kailangan natin.

Isang makabagong Tagapagligtas—na makakatunggali ng taong sumasamba sa mga AI.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page