top of page

Kabastusan sa pananalita, hindi dapat binabalewala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 7, 2026



Fr. Robert Reyes


Matagal-tagal ding napahinga ang himpapawid sa lason ng kabastusan at kapalastanganan. Sampung taon na ang nakararaan nang nagsimulang dumilim at pumangit ang kapaligiran sa maraming sulok ng kapuluan. Naging palasak ang pagmumura, kabastusan, at kawalang-galang sa buhay at dangal ng tao—lalo na sa kababaihan.


Hindi pa man siya Pangulo noon, madalas na niyang gawing biro ang kababaihan at maging ang mga bagay na karaniwang pribado at hindi pinag-uusapan sa publiko dahil ito ay para lamang sa mag-asawa. Naging pangkaraniwan na rin ang salitang “Kill, kill, kill” (Patayin, patayin, patayin). At tuwing naririnig ang ganitong pananalita, tila namumula ang buwan at napupuno ng iyak at daing ng mga ina, asawa, at anak ang paligid.


Dahil regular kaming nag-iikot sa mga parokya at nakikipag-usap sa mga tao—bata man o matanda—nakagugulat marinig ang malulutong na mura mula mismo sa bibig ng mga musmos. Sanay na tayong makarinig ng ganitong salita mula sa matatanda, ngunit ibang usapan kapag ang mala-anghel na tinig ng mga bata ang napupuno ng pait at lason ng mga salitang walang galang.


Tama si Joy Belmonte nang hilingin niyang humingi ng public apology si Bong Suntay dahil sa kanyang bastos na pananalita matapos niyang banggitin ang aktres na si Anne Curtis. Naalala tuloy natin ang sinabi ni Pablo Virgilio David noong nakaraang linggo tungkol sa epekto ng isang kapaligirang bastos at walang paggalang sa dangal at kabanalan ng buhay—isang kulturang unti-unting nahawa sa marahas at bastos na pananalita ng nakaraang liderato.


Mabuti na lamang at marami pa ring mulat sa kapangyarihan ng salita. Ang salita ay may lakas na bumuhay at pumatay. Naalala natin ang eksperimento ni Masaru Emoto sa tubig: kapag sinabihan ng mga positibong salita tulad ng “mahal kita” o “maraming salamat,” lumilikha ito ng magaganda at pantay-pantay na kristal. Ngunit kapag ginamitan ng mga negatibong salita—mura, galit, o karahasan—nagiging pangit at magulo ang mga kristal.


Kung ganito ang epekto ng salita sa tubig, ano pa kaya ang epekto nito sa tao? Kung ang isang bata ay lumaki sa tahimik at magalang na tahanan, iba kaya ang kanyang paglaki kung ang kapaligiran ay maingay, magulo, marahas, at bastos?


Hindi nakapagtataka kung bakit umani ng matinding batikos si Congressman Suntay. Sa kanyang panayam kay Karen Davila, sinabi niyang wala raw malisya ang kanyang sinabi at mali lamang ang paghahambing o analogy na kanyang ginamit.


Ngunit ayon kay Davila, may mataas na pamantayang inaasahan sa isang kongresista, lalo na sa paraan ng pagbanggit sa kababaihan. Iginiit naman ni Suntay na nagkaroon lamang ng malisya dahil hindi umano naunawaan ang konteksto ng kanyang pahayag.

Nang tanungin siya kung maaaring lumabag ang kanyang pahayag sa Safe Spaces Act o Anti-Bastos Law, muling iginiit ni Suntay na wala siyang masamang intensyon at mali lamang ang interpretasyon sa kanyang sinabi.


Subalit kahit sabihin pang malinis ang kanyang intensyon, ginamit na ang mga salita—at maraming kababaihan ang nasaktan at nagalit. Para sa kanila, hindi lamang mali ang paghahambing; bastos ang kabuuang pahayag.


Kung babalikan natin ang nakaraan, may panahon na halos walang makapuna o makapagtuwid sa kabastusan at karahasan sa pananalita ng mga nasa kapangyarihan. Maraming nabastos at marami ring nasaktan.


Hindi biro ang mga salita. May tunay at minsan ay madugong epekto ang mga ito.

Kaya marahil sapat na ang mga paliwanag. Ang mas mahalaga ngayon ay ang mahinahong pag-amin ng pagkakamali sa paggamit ng salita. Hindi maaaring sabihing malinis ito kung ang epekto ay kabaligtaran.


Makikita ang tunay na halaga ng salita sa epekto nito—kung ito ba ay bumubuhay o pumapatay, nagpapasaya o nakaduduwal.


Ano nga ba ang sinasabi ngayon ng libu-libong kababaihang nadismaya sa mga salitang binitiwan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page