Kaalaman tungkol sa pagiging donor ng lupa
- BULGAR
- Nov 27, 2021
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 27, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay overseas Filipino worker (OFW) na matapos ang higit dalawang dekada ng pagtatrabaho ay nakapagpundar ng ilang ari-arian kabilang ang ilang lupa sa aming probinsiya. Napag-isipan kong ipamahagi ang ilan sa mga nabili kong lupa bilang tulong sa mga kapatid ko. Dahil dito ay gusto kong malaman kung may pormal bang paraan na sinasabi ang batas para rito sa nais kong gawing donasyon at paglipat ng pangalan sa lupa papunta sa kanila? Napagsabihan kasi ako ng kapatid ko na gawin itong legal upang hindi magkaproblema sa hinaharap. – Hector
Dear Hector,
Ang sagot sa inyong katanungan ay makikita sa probisyon sa New Civil Code of the Philippines tungkol sa donasyon kung saan sinasabi na:
“Article 725. Donation is an act of liberality whereby a person disposes gratuitously of a thing or right in favor of another, who accepts it.” (New Civil Code of the Philippines)
Ayon sa kahulugang ibinibigay ng batas, ang donor ay kusang-loob na naglilipat ng pag-aari sa isang bagay papunta sa taong tatanggap nito na kinikilala bilang donee.
Sa ganitong paraan ng paglilipat ng ari-arian, nagtatalaga ang batas ng pormal na panuntunan na naaayon din sa uri ng ari-arian. Para sa mga immovable properties, tulad ng lupa na binabalak ninyong ibigay sa inyong kapatid, sinasabi ng batas na:
“Article 749. In order that the donation of an immovable may be valid, it must be made in a public document, specifying therein the property donated and the value of the charges which the donee must satisfy. The acceptance may be made in the same deed of donation or in a separate public document, but it shall not take effect unless it is done during the lifetime of the donor. If the acceptance is made in a separate instrument, the donor shall be notified thereof in an authentic form, and this step shall be noted in both instruments.”
Ibig sabihin nito, para magkaroon ng wastong donasyon alinsunod sa batas ay kinakailangang may deed of donation na maisagawa sa pampublikong dokumento (notaryado) na nagsasaad ng detalye ng ari-ariang ipamimigay kasama ang kondisyon para sa donasyon, kung mayroon man. Kinakailangan din na ang taong tatanggap ng donasyon ay hayagang ihayag sa pareho o hiwalay na dokumento ang kanyang pagpayag na tanggapin ang saklaw na ari-arian sa loob ng panahong nabubuhay pa ang donor. Ang mga pormal na pangangailangang ito sa paghahanda at pagsasagawa ng deed of donation ay kinakailangang tiyakin na nasunod upang magkaroon ng tama at naaayong donasyon sa ilalim ng batas.
Para mailipat naman ang ari-ariang sakop ng donasyon sa pangalan ng inyong kapatid ay kinakailangang magtungo sa tanggapan ng assessor kung saan matatagpuan ang lupa para sa tax assessment at zonal classification nito. Kinakailangang mabayaran ang wastong real property tax kasama ang donor’s tax sa tanggapan ng Kawanihan ng Rentas Internas o Bureau of Internal Revenue. Matapos mabayaran ang mga nasabing legal na bayarin ay maaari ng magtungo sa Registry of Deeds para sa paglilipat ng pangalan ng titulo ng lupa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments