Search
  • BULGAR

Kaalaman tungkol sa Good Samaritan Rule

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 30, 2020



Dear Chief Acosta,

Ako ay simpleng empleyado na nakapagpundar lamang ng maliit na sasakyang ginagamit sa trabaho. Habang nakatigil ako sanhi ng trapiko ay mayroong bumangga sa aking sasakyan na motorsiklong matulin ang takbo. Sugatan at nawalan ng malay ang nagmamaneho nito at sa takot na siya ay mamatay ay agad ko siyang dinala sa ospital. Kung sakali bang magmagandan-loob akong bayaran ang kanyang gastusin o magbigay ng malaking tulong sa kanya ay ikapahahamak ko ba ito dahil maaari niyang gamitin ito laban sa akin upang palabasing inaako ko ang kasalanan? – Angel

Dear Angel,

Para sa inyong kaalaman, ang Section 27, Rule 130, Rules of Court ay ang angkop na batas sa inyong sitwasyon. Ayon sa nasabing panuntunan, ang pag-aalok na bayaran o ang pagbabayad ng mga nagastos para sa natamong pinsala ng taong naaksidente ay hindi katanggap-tanggap na ebidensiya laban sa taong nag-alok nito. Maliwanag itong nakasaad sa naturang probisyon, viz:

Sec. 27. An offer to pay or payment of medical, hospital or other expenses occasioned by an injury is not admissible in evidence as proof of civil or criminal liability for the injured party.”

Sa inyong sitwasyon, ang inyong kusang-loob na pagbibigay ng tulong sa taong nasangkot sa aksidente ay hindi maaaring tanggapin ng korte bilang katibayan ng inyong pananagutan sa kanyang natamong pinsala, base sa nabanggit na probisyon ng batas na kilala rin bilang “Good Samaritan Rule.”

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito.


Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.