JODI, SUPORTADO ANG MGA BADING AT TIBO KAYA NAGPRODYUS NG BL MOVIE

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 19, 2020

Ipinagdiinan ng leading man ni Adrian Lindayag sa MMFF 2020 entry na The Boy Foretold by the Stars na si Keann Johnson na "heterosexual" siya. Meaning, lalaking-lalaki siya at hindi bading!
Gayunpaman, inirerespeto raw niya ang mga miyembro ng LGBT dahil lesbian pala ang kanyang ina kaya naiintindihan daw niya ang nararamdaman ng mga ito.
Sa The Boy Foretold By The Stars, kinumpirma ni Direk Dolly Dulu na may kissing scene sina Adrian at Keann. Kaya naman tinanong namin si Keann kung paano niya tinanggap agad ang role kahit nalaman niyang may kissing scene sila ng bida ng movie.
Pag-amin ng 21-anyos na guwapong binata na nagsimula pala bilang TV commercial model, first time niyang magkaroon ng kissing scene with a gay, pero dahil sa kakaibang personality ni Adrian na magaan daw kasama at madaling katrabaho, hindi siya nahirapang gawin ang eksena nila.
One more thing, inisip daw niyang acting lang ang kanilang ginagawa at marunong naman daw siyang magbalanse ng trabaho at personal na buhay, kaya nag-enjoy lang siya sa first experience kissing a man knowing na kakaibang challenge nga ito sa kanyang acting career.
Samantala, nakakapanghinayang na hindi naka-join si Ms. Jodi Santamaria sa ginanap na Zoom mediacon ng The Boy Foretold by the Stars last Thursday dahil may shooting pa raw ito.
Gusto pa naman sana naming itanong kung paano niya kaya iha-handle kung ang sariling unico hijo na si Thirdy ang halimbawang umamin sa kanya na in love ito sa kapwa lalaki.
Kaya naman, si Direk Dolly Dulu na lang ang tinanong namin, na base sa kanyang pagkakakilala kay Jodi, ano kaya ang magiging reaksiyon nito.
Pero ani Direk Dolly, maging siya ay hindi sure kung ano ang magiging posisyon ni Jodi sakaling maging bading nga si Thirdy. Basta ang alam daw niya, suportado ng aktres-turned producer ang LGBT community at malaking patunay nga riyan na tumaya ito at gumastos sa kanilang BL (boy's love) movie na The Boy Foretold By The Stars.
Ayaw mang pakasiguro at makampante ni Direk Dolly na maghi-hit ang kanilang entry sa MMFF, hopeful naman daw siya na tatangkilikin ng millennial generation ang The Boy Foretold By The Stars dahil hindi lang naman ang mga becki ang tiyak na makaka-relate rito kundi tayong lahat na dumaan din sa teen-age love during our high school days.
So, kung gusto n'yong kiligin uli at mag-feeling-bagets, watch na ang The Boy Foretold By The Stars sa Dec. 25 sa online platform na Upstream.ph.
Ito'y mula sa collaboration ng tatlong production companies — The Dolly Collection, Brainstormers Lab at Clever Minds, Inc..





Comments